Umarangkada ang grand finale ng Kalimudan Festival 2026 sa pamamagitan ng Street Dancing Grand Parade sa mga kalsada ng Isulan, na sinaksihan ng mahigit isang milyong katao sa huling araw ng pagdiriwang.
Anim na contingents mula sa iba’t ibang bahagi ng SOCCSKSARGEN ang nagtagisan sa galing sa sayaw, musika, at pagdisenyo ng kasuotan.
Rinig ang malalakas na tambol, kantahan, at hiyawan habang bitbit ng bawat grupo ang kanilang malalaking props at mga kasuotang sumasalamin sa kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Hindi rin maitago ng mga residente ang kanilang tuwa sa nasaksihang pagtatanghal.
Sinundan ito ng pormal na kompetisyon kung saan isa-isang ipinamalas ng anim na contingents ang kanilang mga inihandang sayaw at pagtatanghal.
Kabilang sa mga kalahok ang Tribu Kudong ng Tacurong City, Tribu Kagten ng Polomolok, South Cotabato, Maribulan Dance Company ng Alabel, Sarangani Province, Hamungaway Performing Arts Group ng Sto. Niño, South Cotabato, Mandirigma Dance Ensemble ng General Santos City, at Sambuyawan Dance Ensemble ng President Quirino, Sultan Kudarat.
Sa huli, nasungkit ng Sambuyawan Dance Ensemble ang titulong grand champion at isang milyong pisong premyo.
Nasungkit din nila ang Best Original Music Award.
Dahil sa kanilang panalo, sila ang kakatawan sa Sultan Kudarat sa Aliwan Competition sa 2027.
Sagot naman ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng kanilang gastusin para sa nasabing kompetisyon.
Samantala, hindi lamang kultura at sayawan ang nagpasaya sa mga dumalo.
Isinagawa rin ang Extrabonanza Raffle Promo kung saan namahagi ng iba’t ibang papremyo sa mga nakisaya sa huling araw ng kapistahan.
Hindi rin nawala ang inaabangang Pyromusical Competition bilang pangwakas na panoorin sa pagdiriwang.
Nagpakitang-gilas ang mga kalahok mula sa Luzon at Mindanao sa pamamagitan ng kanilang fireworks display sa huling gabi ng Kalimudan National Pyromusical Competition.
Lalo pang naging makulay ang pagtatapos sa final pyromusical display ng Dragon Fireworks, kung saan sabay-sabay na pinailaw ang kalangitan sa saliw ng musika at mga special effects.
Samantala, batay sa datos ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, mahigit isang milyong katao ang dumagsa sa huling araw ng Kalimudan Festival noong Noyembre 22.
Kabilang sa mga dinagsa ng mga bisita ang Pyromusical Competition, Battle of SOX Festivals: Street Dancing Competition at Extrabonanza Raffle Promo.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat, sa pangunguna ni Governor Datu Pax Ali S. Mangudadatu, sa lahat ng naging bahagi ng pagdiriwang.
Kinilala ng gobernador ang ambag ng mga contingents, bisita, organizers at security personnel na nakatulong sa matagumpay na pagdaraos ng kapistahan.
Isang masayang pagtatapos na puno ng kulay, musika at pagkakaisa.
Patunay na nananatiling buhay ang kultura at tradisyon ng mga mamamayan ng Sultan Kudarat sa pamamagitan ng Kalimudan Festival.
