INAASAHAN ng Philippine Army (PA) na makatatanggap ng karagdagang humanitarian assistance and disaster relief (HADR) equipment mula sa gobyerno ng Japan.
Ito’y matapos mangako nito si Japan Parliamentary Vice Minister of Defense Tsuyohito Iwamoto sa pagbisita nito sa 525th Engineer Combat Battalion (525ECB) sa Fort Bonifacio, kahapon, araw ng Lunes.
Ayon kay Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad, kinumpirma ni Iwamoto ang pangakong tulong ng Japanese government para sa pagpapatibay sa disaster response capabilities ng militar.
Ang 525ECB ay isang yunit ng premiere disaster-response ng Army.
Matatandaan na una nang nagbigay ng donasyon ang Japan ng P51 milyong halaga ng water-search-and-rescue (WASAR) collapsed structure search-and-rescue (CSSR), at crushed vehicle extrication and rescue equipment sa Army nakaraang taon ng Oktubre.
Sinundan naman ito ng isang linggong pagsasanay sa WASAR at CSSR sa pagitan ng 525ECB disaster-response team at ng kanilang Japanese counterparts noong Nobyembre.
Ayon kay 525ECB Commander Lt. Col. Carlo Ganancial, ang mga nasabing disaster relief equipment mula Japan ay nakatutulong sa kanyang tropa upang mas lalong mapaigi ang kanilang kasanayan sa pagsalba ng mga buhay sa panahon ng kalamidad, aksidente, o anumang mga sakuna.
BASAHIN: Pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Japan, tinalakay ng mga opisyal ng dalawang bansa