Kasong direct assault vs. Honeylet Avanceña binawi ng PNP

Kasong direct assault vs. Honeylet Avanceña binawi ng PNP

HINDI na itutuloy ng PNP ang reklamo laban kay Ms. Honeylet Avanceña, ang common-law wife ni FPRRD. Ayon sa PNP, tinanggap ng nasaktang pulis ang pananakit bilang bahagi ng kaniyang trabaho.

Hindi maitatago sa isang ina ang paggawa ng paraan para maprotektahan lang ang mahal sa buhay—lalo pa’t kung ang anak na nito ang nalalagay sa alanganin.

Sa isang video makikitang inilalayo ng mga pulis ang mag-inang Honeylet Avanceña at Veronica “Kitty” Duterte sa gitna ng nakatakdang pagpapasakay kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa private jet na maghahatid sa kanya sa The Hague, Netherlands.

Isa itong bahagi ng tensiyon sa pagitan ng pamilya ni dating Pangulong Duterte at ng mga umaresto sa kanya na kalaunan ay nauwi sa sakitan.

Isang pulis na miyembro ng Special Action Force ang nasaktan.

Dahil dito, isang asunto ang planong isampa laban kay Avanceña dahil sa insidente.

Kinumpirma ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo sa isang panayam na inatras o binawi na ng PNP ang ikakasong direct assault laban sa common-law wife ni dating Pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña.

Ayon kay Fajardo, nakausap ng mismong director ng PNP Special Action Force ang pulis na nagtamo ng bukol sa ulo. Nagdesisyon aniya ito na huwag nang ituloy ang demanda bilang bahagi ng kanilang tungkulin ang masaktan sa mga kahalintulad na tensyon.

“Kausap ko po ngayon ang director ng SAF po si General Pespes, at nakausap po niya ‘yung pulis na nasaktan po. At personal decision po ng pulis na huwag na pong magsampa ng kaso. Ang reason niya ay kasama ‘yun sa hazard ng kanyang trabaho at okay lang daw. Magpapagaling na lang siya at back to work na daw po siya,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, Philippine National Police.

Kasalukuyan nang nagpapagaling ang pulis na binigyan naman ng kaukulang tulong ng PNP.

Samantala, ngayong paparating na pagtitipon sa Sabado, Marso 15, ilalahad ni Kitty ang mga naranasan nito at ng kaniyang pamilya sa kamay ng mga awtoridad hanggang sa makuha na ang ama nito patungo sa kamay ng mga dayuhan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble