IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa mga local government unit (LGU) na suspendihin ang pagkolekta ng “pass-through fees” sa national roads.
Ito’y upang matiyak ang mahusay na paggalaw ng mga kalakal sa mga rehiyon na naaayon sa mga istratehiya ng pamahalaan. Layon nitong muling pasiglahin ang mga lokal na industriya sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Ang tatlong pahinang Executive Order No. 41 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Setyembre 25 ay nagsasaad na ang lahat ng LGU ay ipinagbabawal na mangolekta ng mga toll fee at singil sa lahat ng mga sasakyang de-motor, na nagdadala ng mga kalakal o paninda habang dumadaan sa anumang national roads at iba pang kalsadang hindi itinayo at pinondohan ng mga lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ng naturang EO na ang hindi awtorisadong pagpataw ng mga pass-through fee ay may malaking epekto sa mga gastos sa transportasyon at logistik, na kadalasang ipinapasa sa mga mamimili, na sa huli ay nagdadala ng pasanin sa pagbabayad para sa pagtaas ng mga presyo ng mga goods at commodities.
Nakasaad din sa EO na ang pagbabawas ng mga gastos sa transportasyon at logistik ay isa sa mga haligi ng 8-Point Socio-economic Agenda ng administrasyong Marcos.
Upang epektibong maipatupad ang EO, inaatasan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na kumuha ng mga kopya ng umiiral na mga ordinansa ng lahat ng LGU sa pangongolekta ng pass-through fees na ipinataw sa mga sasakyang de-motor.
Kabilang dito ang mga inisyu alinsunod sa Section 153 at 155 ng Republic Act No. 7160, na kilala rin bilang Local Government Code of 1991, sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng EO.
Ang nasabing kautusan ay magkakabisa kaagad sa pagkalathala nito sa Official Gazette o isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.
Susuriin ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Transportation (DOTR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Anti-Red Tape Authority (ARTA), at Department of Finance (DOF) ang mga ordinansang na-secure ng DILG upang matiyak ang pagsunod nito sa RA 7160.
Ang pagkabigong sumunod sa mga direktiba ay napapailalim sa mga parusang administratibo at disciplinary sanctions laban sa erring public officials o employees.
Sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng EO, ang parehong grupo ng mga ahensiya ay naatasan din na bumalangkas at mag-isyu ng mga alituntunin na kinakailangan, o baguhin o pagsamahin ang mga umiiral na panuntunan, regulasyon, o mga isyu na maaaring naaangkop para sa epektibong pagpapatupad ng kautusan.