Kumakalat na Proclamation No. 427 na idinideklarang special half-working day ang Dec. 22, ‘fake news’ — PCO

Kumakalat na Proclamation No. 427 na idinideklarang special half-working day ang Dec. 22, ‘fake news’ — PCO

IPINABATID ng Presidential Communications Office (PCO) na ang kumakalat na “Proclamation No. 427” na idinideklarang special half-working day ang ika-22 ng Disyembre 2023, araw ng Biyernes, ay kumpirmadong walang katotohanan o “fake news.”

Sa isang statement na inilabas nitong Huwebes, nilinaw ni PCO Sec. Cheloy Garafil na ang nasabing dokumento ay huwad at walang opisyal na beripikasyon ng pamahalaan.

Nagpaalala naman ang Malacañang sa publiko na maging mapanuri at sumangguni lamang sa official government sources para sa tamang impormasyon.

Kaugnay dito, inako ni Presidential Assistant for Strategic Communications Cesar Chavez ang nangyaring kalituhan patungkol sa ibinahaging umanoy proclamation No. 427 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Una rito, ipinost ni Chavez ang dokumento sa kanyang Facebook account at agad ding tinanggal o dinelete.

Sa kanyang official social media account, nakasaad dito ang paghingi ng paumanhin ni Chavez kaugnay ng pag-post ng content na hindi pa naberepika.

Kasabay nito, ang pag-ako rin ni Chavez sa buong responsibilidad ng nagawang kamalian sa naturang isyu.

Kasunod ng kumalat na pekeng Presidential Proclamation, ay inilabas ng Malacañang sa Official Gazette of the Philippines ang kopya ng totoong Proclamation No. 427.

Inisyu ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Proclamation No. 427, na nagdedeklara sa siyam na artists bilang “Manlilikha ng Bayan para sa 2023.”

Ito ay dalawang pahinang proklamasyon na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Disyembre 15.

Kabilang sa tinaguriang “Manlilikha ng Bayan para sa 2023” sina Adelita Romualdo Bagcal, Abina Tawide Coguit, Sakinur-ain Mugong Derasas, Bundos Bansil Fara.

Kasama rin ang mga artist na sina Marife Ravidas Ganahon, Amparo Balansi Mabanag, Samporonia Pagsac Madanlo, Barbara Kibed Ofong at Rosie Godwino Sula.

Ang inilabas na proklamasyon ay bilang pagkilala sa kanilang mga natatanging kasanayan na umabot sa mataas na antas ng technical at artistic excellence.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter