Libu-libong trabaho alok ng DOLE sa Labor Day Job Fair 2022

Libu-libong trabaho alok ng DOLE sa Labor Day Job Fair 2022

KINUMPIRMA ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mayroong nakatalagang 25 job fair site sa buong Pilipinas ang pagdarausan sa May 1, 2022 bilang paggunita sa Labor Day.

Sa virtual briefing ng DOLE ay inanunsyo ni Director Rolly Francia ng Information and Publication Service na posible pang madagdagan ang bilang ng mga trabahong iaalok sa darating na jobs summit sa Mayo 1.

Aniya sa ngayon ay mayroong 335 na local at overseas employers ang lalahok sa job fair sa 25 site na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kabilang sa mga lugar na ilulunsad ang job fair ay sa National Capital Region na mayroon sa Manila, Malabon at Parañaque City, sa Cordillera Administrative Region (CAR) ay matatagpuan sa Baguio City.

Sa Region 1 naman ay may 3 site na kinabibilangan ng Urdaneta, Pangasinan, Ilocos Sur at Ilocos Norte at sa Region 2 naman ay sa Isabela.

Sa Region 3 gagawin ang malaking kaganapan ng job fair sa San Fernando City.

Sa CALABARZON o Region 4-A –ang mga job fair ay ilulunsad sa Dasmariñas, Cavite; Calamba, Laguna; Lucena, Quezon; at Antipolo City, Rizal habang meron din sa Puerto Prinsesa para sa Region 4-B, Region 6-Iloilo City, Region 7-Cebu, Dumaguete City, Region 7–Tacloban City, Region 9-Zamboanga City, Region X-Cagayan de Oro City, Region XI-Davao City, Region XII-Coronadal City at Caraga-Butuan City.

Sa overseas naman ang mga nangungunang bakanteng trabaho ay waiter o waitress, nurse, kitchen helper, cook o chef, sales clerk o sales lady at factory workers.

Sa mga nangungunang destinasyon naman ay sa Middle East, partikular na dito sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, at Kuwait.

Sa Asia naman nangunguna dito ang Japan at Cambodia, meron din sa North America at Canada.

Samantala, kasabay ng jobs summit para sa May 1 Labor Day ang inagurasyon ng OFW Hospital na pangungunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Matatandaan na ang konstruksyon ng  OFW Hospital ay sinimulan noong taong 2020 sa San Fernando City, Pampanga.

Una ring sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na walong palapag ang hospital building.

Ang 1.5 hectare na lupa na pinagpapatayuan ng ospital ay donasyon ng provincial government ng Pampanga.

Maliban sa DOLE at ang Provincial Government of Pampanga, kasama rin sa proyekto ang Department of Health (DOH), ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at ang Bloomberry Cultural Foundation.

Sa P550 milyong budget para sa 100-bed capacity ng ospital, P400 milyon mula sa Bloombery ang inilaan para sa konstruksiyon ng gusali para sa ospital at ang natitirang P150 milyon mula sa PAGCOR ang inilaan sa pagbili ng mga gamit para sa ospital.

Ang ospital para sa mga OFW ay inisyatibo ni Secretary Bello na inaasahang isa sa ipamamana ng administrasyong Duterte bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga bagong bayani sa pag-unlad ng  ekonomiya.

Ang OFW Hospital ay libre ang pagpapagamot dito ng mga OFW at kanilang legal dependents.