LTFRB nanawagan na ipagpaliban ang road works ngayong Semana Santa

LTFRB nanawagan na ipagpaliban ang road works ngayong Semana Santa

NANAWAGAN ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kung maaari ay itigil muna ang gagawing konstruksiyon sa mga kalsada bilang paggunita ng Semana Santa.

“Kaya ‘yung mga roadworks along the way, sana ngayong mga panahong ito ay huwag muna ituloy ang roadworks at ang mga signs na kinakailangan makita kaagad ng ating mga motorista, dapat in place,” pahayag ni Atty. Ariel Inton, Spokesperson, LTFRB.

Ito ang binigyang-diin ni Atty. Ariel Inton, ang tagapagsalita ng LTFRB.

Aniya, ito ay upang maiwasan ang traffic lalo na at inaasahan nila ang pagdagsa ng maraming pasahero ngayong holiday.

Inihayag din ni Atty. Inton na hindi basta-basta maglalabas ang LTFRB ng special permit dahil dadaan muna ito sa masusing proseso.

Sa ngayon, nasa 1,018 units ng pampasaherong bus ang binigyan na ng special permit ng ahensiya at ang permit na ito ay may bisa lamang mula Abril 11 hanggang Abril 27.

 “Inatasan ni Chairman Guadiz na ang mga LTFRB personnel, simula Abril 7, na magkaroon ng periodic PUV inspection at iyan ay ongoing,” aniya.

Maliban sa PUV inspection, magsasagawa rin ang ahensiya ng surprise drug testing sa mga driver katuwang ang ibang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng bawat pasahero.

Dagdag pa ni Atty. Inton, magkakaroon din ng health test sa mga piling terminals para sa mga nangangailangan ng tulong.

“From April 11 to 21 may mga health test ang LTFRB sa mga terminal kung saan pwede niyong puntahan yan kapag ka naaberya kayo o kaya naman kakailanganin niyo ng tulong. And then ang hotline ng LTFRB iyan ay 24 hours,” dagdag nito.

Ani Atty. Inton, ang mga provincial bus na may regular na ruta ay maaaring mag-apply ng karagdagang permit o maghain ng bagong aplikasyon para sa ibang ruta kung kinakailangan.

Palalawigin din ng ahensiya ang validity ng special permits upang masiguro na may sasakyan pa rin ang mga pasahero kung hindi agad ito makakabalik sa lugar dahil sa mabagal na turnaround ng mga bus, dulot na rin ng traffic.

Sa huli, nanawagan si Atty. Inton sa mga pasahero na iwasan ang pagsakay sa mga kolorum na sasakyan ngayong Semana Santa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble