NAGKAROON ng pagpupulong araw ng Lunes sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Attorney Cheloy Garafil at Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa dalawang consortia na nag-ooperate sa EDSA Carousel.
Ito ay upang pag-usapan ang iba’t ibang isyu na kinahaharap nito.
Ayon kay Chair Garafil, nangako ang mga ito na ipatutupad nila ang maximum deployment ng mga bus lalo na kapag rush hours.
Aniya, sa datos ng LTFRB imbes 440 bus units ang tumatakbo kada araw ay halos 200 bus lang ang nadedeploy.
Pagtitiyak ng bagong upong chief ng LTFRB, sisikapin nilang pabilisin din ang pagbabayad sa mga operator ng EDSA Carousel program.
Paglilinaw pa ni Garafil, dalawang linggo pa lang itong naupo bilang chief ng ahensiya ay napag-alaman na hindi pa nababayaran ang mga operator sa kanilang week 6 ng programa.
“Noong ako ay umupo sa LTFRB 2 linggo na ang nakakalipas, hindi pa nababayaran ang week 6 ng programa samantalang ito ay tumatakbo na noon sa week-13,” pahayag ni Garafil.
Dahil dito ay kanyang pinabibilis ang pagbabayad kung kaya’t ngayon ay nabayaran ito maging ang week 10.
Ipinapangako ni Garafil na mas lalo pang paiigtingin ang pagbabayad sa mga bus operator.
“Nangako kami na lalo pa naming paiigtingin ang pagpoproseso ng kanilang bayad upang maging updated ang bayarin sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo,” aniya.
Kasabay nito, sinabi pa ni Garafil na nangako si Secretary Bautista na pag-aaralan niya ang pagkakaroon ng terminal sa Monumento sa Caloocan City upang magkaroon ng pahingahan ang mga bus at driver sa busway.
Kung saan, malaking tulong ito sa mga drayber araw-araw na nagbibyahe at maghatid–serbisyo at upang tugunan ang lumulubong bilang ng mga pasahero na sumasakay araw-araw.
“Ito ay makakatulong upang may sapat na bus at agaran nitong matugunan ang anumang pagdami ng tao sa mga istasyon,” ani Garafil.
Kabilang din sa napag-usapan ng dalawang pinuno ng DOTr at LTFRB ay ang paglalagay ng mga pasilidad sa bus stop.
Ito ay upang maging komportable ang mga pasahero kapag nagkakaroon ng mga pag-ulan at iba pa.
“Ang ilang pang napag-usapan ay ang paglalagay ng mga facility sa mga bus stops upang maging komportable ang mga pasahero lalo kapag umuulan, adjustment ng rate sa gitna ng pag-akyat ng presyo ng langis, mga ibang gumagamit sa busway na nagiging sanhi ng aksidente at pagpayag sa limited standing kapag rush hour,” ayon ni Garafil.
Iginiit pa ni Atty. Garafil, inaasahan naman ang pagkakaroon ng dayalogo kasama ang mga stakeholders upang tugunan ang solusyon at hinaing at upang maiangat ang antas ng public transport ng bansa.