Lumalalang krimen at katiwalian pinatutugunan ng Citizens Crime Watch sa Marcos Jr. admin

Lumalalang krimen at katiwalian pinatutugunan ng Citizens Crime Watch sa Marcos Jr. admin

SA gitna ng mga isyung kinahaharap ng bansa, isang grupo ng mamamayan ang muling nagtaas ng kanilang boses—ang Citizens Crime Watch, na nagsabing hindi na dapat patagilid ang gobyerno sa mga lumalalang krimen.

Pinuna nito ang magkasalungat na pahayag mula sa dalawang mataas na opisyal ng Pambansang Pulisya tungkol sa isyu ng kidnapping sa Pilipinas.

Sinabi ni PNP Chief Rommel Marbil na walang naitatalang kaso ng kidnapping sa bansa. Pero taliwas dito ang naging pahayag ni PNP Spokesperson Jean Fajardo, na kinumpirma ang pagtaas ng mga kaso.

Dahil dito, nananawagan ang Citizens Crime Watch:
Sino nga ba ang nagsasabi ng totoo? Ang mga pahayag na ito ba ay nakabatay sa katotohanan, o may mga itinatagong detalye na hindi pinapansin?

“Napakahirap pong paniwalaan kasi itong mga nadidinig natin.”

“Sana naman pag-aralan nilang maigi ‘yung mga ginagawa nilang sinasabi, sapagkat ngayon pong panahon, ang mga tao mukhang humihina po ang kanilang pagtitiwala at paniniwala sa atin pong mga pulis,” ani Jigs Magpantay, National President, Citizens Crime Watch.

Ayon sa grupo, kailangang magpatupad si Pangulong Marcos Jr. ng konsistenteng hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa peace and order situation sa bansa.

“Ito pong nangyayaring kidnapping cases nagbigay po ito, nagdudulot po ito ng takot lalo na po sa ating mga negosyante kaya siguro po ang ating gobyerno maglunsad sila ng decisive action para mahinto po itong nangyayari sa ating bansa ngayon.”

“Dapat siguro i-review nila ‘yung kanilang performance. Hindi siguro na kinakailangan na nakatutok na lang palagi dito sa mga isyu na may kinalaman sa politika,” dagdag ni Magpantay.

Giit ng grupo, tila hindi na pinakikinggan ang sentimyento ng publiko sa tuwing ipinararating nito ang mga problema sa pamahalaan. Imbes na tugunan ang mga reklamo, madalas ay kinukuwestiyon pa ang katotohanan ng mga ito.

“Saan na tayo pupunta? Saan na natin dadalhin ‘yung ating mga hinaing? Kapag nagsabi tayo ng ating hinaing, nagpaparating tayo, sasabihin nila fake news o ‘di kaya kabaligtaran ‘yung kanilang sasabihin, kaya napakahirap po ng sitwasyon natin ngayon—para tayong mini-martial law,” dagdag ni Magpantay.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng krimen, kabilang na ang kidnapping, hinamon ng Citizens Crime Watch ang gobyerno na tugunan ang mga hinaing ng taumbayan. Ayon sa grupo, mahalaga ang konkretong aksiyon upang matugunan ang lumalalang peace and order situation at muling maibalik ang tiwala ng publiko sa mga awtoridad.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble