Mahigit 400 indibidwal, nagtapos sa drug rehab program ng QC-LGU

Mahigit 400 indibidwal, nagtapos sa drug rehab program ng QC-LGU

MAHIGIT 400 indibidwal, nagtapos sa Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) ng Quezon City Local Government (QC-LGU).

16 na taon nang malulong sa iligal na droga si Arnold na mula Quezon City.

Ito rin ang dahilan kung bakit nasira ang kanyang pamilya.

Pero, taong 2016 nang tinigil nito ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot at lumapit sa gobyerno para magbagong buhay.

Umaga ng Lunes, isang programa ang isinagawa ng Quezon City Police District kung saan higit 400 indibidwal ang binigyan ng pagkilala matapos magtapos sa kanilang rehabilitation program kontra iligal na droga.

Sa ilalim ng persons who used drugs (PWUDs), kabilang sa nagtapos sa CBDRP si Arnold.

83 barangay sa QC, ‘drug cleared’ na – QCPD

Inilahad naman ng QCPD na nasa 83 barangay sa lungsod ng Quezon ang drug-cleared na o malinis na sa presensiya ng iligal na droga.

Isinagawa ang pagbibigay-parangal kasabay ng rollout ng “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” (BIDA) program sa Kampo Karingal ngayong araw.

Mula sa mga drug-cleared na barangay, 18 ang mula sa District 1, 32 sa District 3, 20 sa District 4, 12 sa District 5 habang isa naman sa District 6.

Nanumpa rin ang mga brgy. chairman na aktibong makikibahagi sa BIDA program at tutulong sa Local Anti-Drug Abuse Council para sa ligtas at drug free na komunidad.

Mula 2016, aabot na rin sa higit 6,000 indibidwal ang natulungan sa rehab program ng Quezon City Local Govt.

Ipinunto naman ni QCPD chief PBGen. Nicolas Torre III ang pagsuporta sa adhikain ng administrasyong Marcos.

“Ang team QCPD ay buong pusong sumusuporta sa lahat ng programa ng gobyerno para sa ikakabuti ng ating mamamayan at sinisigurado namin na patuloy ang ating operasyon laban sa illegal na droga upang mabigyan namin ng ligtas na komunidad ang QCtizens,” ani PBGen. Nicolas Torre III, chief, QCPD.

 

 

Follow SMNI News on Twitter