MAKARAAN ang isinagawang raid sa mga warehouse kung saan tinukoy rito ang mga importer at ang mga malalaking storage ng vape products, ay sinimulan naman ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nationwide raid sa vape shops o vape sellers at resellers.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., naniniwala siya na walang magiging smuggler kung walang retailers na magtatangkilik at magbebenta ng mga produkto ng mga ito.
Kaya tinututukan nila ngayon ang mga reseller ng ilegal na vape products para mawala sa merkado ang mga ito.
“Hindi lang sa mga resellers kundi iyong mga importers at wholesalers dahil again, kung walang magtatangkilik na reseller or vape shops sa mga produktong ito, mismong importers at iyong mga manufacturers ay mapipilitan ding magrehistro sa aming ahensiya at magbayad ng excise tax,” ayon kay Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
Binigyang-diin ni Lumagui na matagal nang naglabas ng mga patakaran ang BIR na kinakailangang bayad ang excise tax sa mga vape product.
Naglabas na rin ang ahensiya ng abiso noong nakaraang taon pa na kinakailangang bumili ng tax stamp ang mga ito.
“At na-implement na natin iyan ngayong nitong June pa lang na kinakailangan lahat ng produkto ng vape ay may stamps kaya iyong mga nagtatanong din na mga vape sellers kung papaano malalaman kung lehitimo ang kanilang mga produktong ibinibenta ay simple lamang po – titingnan lang iyong kahon at iyong produkto at kinakailangan makita ninyo diyan iyong stamp na tinatawag natin, iyong may hitsurang tamaraw,” dagdag ni Lumagui.
Ibinahagi ni Lumagui na tinatayang daan-daang libo ang kanilang nakumpiska na mga produkto ng vape sa ikinasang nationwide raid.
Sa ngayon, wala pang eksaktong halaga kung magkano ang estimated value ng nakumpiska sa naturang operasyon.
Pagdating naman sa ipapataw na parusa sa mga retailer at reseller ng mga ilegal na vape, sinabi ni Lumagui na bukod sa pagkumpiska, ay magbabayad pa ang mga ito ng hindi nabayarang excise tax dito.
May posibilidad pang maharap ang mga ito sa kasong kriminal dahil krimen na maituturing ang ‘possession of excisable articles’.
Ito’y katulad ng vape product na hindi bayad ng excise tax.
“Kaya mismong kahit iyong nagbebenta ay puwedeng kasuhan at kakasuhan namin iyong mga reseller kahit na sabihin natin na hindi naman sa kanila nagmula iyan. So, para sa mga reseller, siguraduhin natin na iyong mga produktong ito ay may stamps para hindi rin kayo nakakasuhan,” aniya.
Patuloy namang gagawin ng BIR ang pagbisita sa lahat ng vape shops upang masiguro na fully compliant ang mga ito at may tax stamps.