KUMBINSIDO ang Department of Health (DOH) na mas makabubuti kung magdagdag pa ang mga lokal na pamahalaan ng kanilang COVID-19 vaccination sites para mas mapabilis ang pagbabakuna.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may sapat namang alokasyon ng mga bakuna para sa mga kabilang sa prayoridad sa listahan, gaya ng health frontliners, senior citizens at may comorbidities at sakali aniyang kulangin ng suplay ng mga COVID-19 vaccines ay maaaring humingi ang mga local government units sa DOH.
Ipinaliwanag ni Vergeire na kaya bumabagal ang bakunahan ay dahil natatagalan na matawag ang mga nakatakdang babakunahan dahil kulang at limitado lamang ang lugar na pinagdadausan ng vaccination program.
Samantala, nakipag-ugnayan na anya ang pamahalaan sa ilang malalaking lugar na posibleng gamitin bilang mga vaccination sites gaya ng Nayong Pilipino at iba pa, upang mapabilis na ang COVID-19 vaccination at mas maraming Pilipino ang mabakunahan.