INAPRUBAHAN na ng National Food Authority (NFA) Council ang panibagong buying price sa palay.
Ito ang inanunsiyo ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at Spokesperson Arnel de Mesa at NFA Officer-in-Charge (OIC) Atty. Larry Lacson kasunod nang isinagawang NFA Council Meeting, araw ng Huwebes.
Mas mataas na ang procurement price sa pagbili ng palay ngayon kumpara sa kasalukuyang presyo.
Itinaas na ito sa P23 hanggang P30 para sa dry at clean palay habang P17 hanggang P23 naman sa fresh palay.
Sinabi ni Asec. Arnel na epektibo ang nasabing bagong buying price ng palay sa susunod na linggo.
Una na ring sinabi ni NFA OIC Lacson na hirap sila ngayong makabili ng palay sa mga magsasaka dahil sa napakamahal na farm gate price.
Kaya naman,
“Kung titingnan kasi natin iyong nabibili ng NFA ngayon talagang kokonti. So, kung ang buying price ni NFA is PHP23, talagang wala siyang mabibili or very minimal. So, tinaasan ng konti para makahabol iyong NFA doon sa presyo na ino-offer ng trader sa ngayon,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
“Nasa tail end na tayo ng harvest season eh. So humahabol na lang tayo. But with this price range na binigay satin ng council, we are confident na iyong mga lugar na mayroon pang hina-harvest ngayon, marami tayong nakukuha,” ayon naman kay Atty. Larry Lacson, OIC, NFA.
Batay na rin sa datos ng NFA noong Pebrero, nasa higit 41,000 metriko tonelada o higit pang isang araw na lang ang imbentaryo ang hawak na buffer stock na bigas ng NFA.
Ito ay malayo sa siyam na araw na minimum requirement na iniimbak ng ahensiya na gagamitin sakaling may tumamang matinding kalamidad sa bansa.
“Ako, personally hindi ko nakikitang dapat ikabahala nandiyan lahat ang production, maganda ang production last year at medyo tataas pa this year so nandiyan lahat ng stocks,” ani Lacson.
Sa kabilang banda ay aprubado na rin ang P10-B na modernization program ng NFA na layong magkaroon ng mas maraming drying facilities at mas maayos na imbakan ng bigas.
Habang magpapatupad ng bagong guidelines ang NFA sa paglalabas ng bigas.
Kasunod ito ng kontrobersiya sa maanomalyang bentahan ng lumang stock ng NFA rice sa mga piling negosyante na bagsak presyo na.
Kung dati ay “first come, first served” basis, ngayon ay auction o pataasan na ng presyo ang gagawin.