Masiglang turismo sa Ilocos Norte, asahan sa inilunsad na biyaheng Manila-Laoag ng Cebu Pacific

Masiglang turismo sa Ilocos Norte, asahan sa inilunsad na biyaheng Manila-Laoag ng Cebu Pacific

INAASAHAN ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte ang pagkakaroon ng mas maginhawang biyahe at mas masiglang turismo sa rehiyon.

Ito’y matapos muling inilunsad ang biyahe ng Cebu Pacific sa pagitan ng Manila-Laoag.

Lulan ng Cebu Pacific Flight 5J 404 ang nasa mahigit 100 pasahero ng inaugural flight ng Cebu Pacific Manila-Laoag.

Simula Lunes, Mayo 22, 2023, ang Cebu Pacific ay may  araw-araw nang lipad sa pagitan ng Laoag at Maynila.

Pinangunahan ni Ilocos Norte Vice Governor Cecilia Araneta-Marcos at Laoag Mayor Michael Marcos Keon ang pag welcome sa muling paglunsad ng Manila-Laoag o vice versa flight.

Ayon sa Cebu Pacific, ang rutang ito ang ika-35 na destinasyon sa pinakamalawak na domestic network ng airline.

Sa pinakabagong ruta ng Cebu Pacific, naging mas madali na ang biyahe mula Laoag sa direktang flights ng 29 local destinations mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kabilang ang Bacolod, Boracay, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, at Zamboanga.

Bukod sa local destination, maaaring kumonekta ang mga biyahero mula Laoag sa 23 destinasyon sa buong international network ng Cebu Pacific mula sa Manila, tulad ng Bangkok, Dubai, Hong Kong, Melbourne, Narita, Singapore, Sydney, at Taipei.

Ikinatuwa naman ng provincial government  ng Ilocos Norte at ng pamahalang lungsod ng Laoag ang inisyatibong ito ng Cebu Pacific na palakasin ang industriya ng turismo ng lalawigan at hikayatin ang mas maraming tao na maglakbay sa Laoag at iba pang bahagi ng Ilocos Region.

Matatandaan, unang inilunsad ang biyaheng balikan ng Manila-Laoag noong 2008 at huminto ito noong 2017.

Samantala, ang biyahe ng Cebu Pacific mula Manila patungong Laoag ay 4:05 am habang ang Laoag -Manila ay 6:05 am  mula Lunes hanggang Linggo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter