INATASAN ng Palasyo ng Malacañang ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na suportahan ang pagpapatupad ng 2024 National Crime Prevention Program (NCPP) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa Palasyo, naaayon sa Philippine Development Plan 2023-2028 ang nasabing programa.
Ang Memorandum Circular No. 46 ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Abril 18.
Nakasaad sa circular na kailangan para sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng gobyerno, gayundin ng local government units (LGUs), na suportahan at makipagtulungan sa pagpapatupad ng National Crime Prevention Program.
Nilalayon din nitong magbigay ng cross-cutting strategies upang higit pang pagyamanin ang mga ligtas na komunidad, protektahan ang mga karapatan ng mga Pilipino, at bawasan ang paglaganap ng mga kriminal na aktibidad sa bansa.
Itinalaga ng Malacañang ang National Police Commission (NAPOLCOM) bilang nangungunang ahensiya sa pagpapatupad ng 2024 NCPP.