MURDER ang isinampang kaso ng prosekusyon laban sa anim na akusadong pulis sa pagkamatay ng binatilyong si Jemboy Baltazar noong Agosto ng nakaraang taon dahil sa mistaken identity habang nasa ilog ito para mangisda.
Pero batay sa inilabas na desisyon ni Navotas RTC Judge Pedro Dabu Jr, walang nahatulan dahil sa kasong murder.
Si Police Sgt. Gerry Maliban, kahit pa napatunayan na sa kaniya galing ang bala na dumali kay Jemboy, nahatulan lamang sa kasong homicide.
Ayon sa korte, hindi napatunayan na pinlano nito ang krimen at kaya lamang ito nagpaputok ay dahil sa tinangka ng biktima na tumakas.
“Sgt. Gerry Maliban, cannot be said to have employed means, method, or forms in the execution of the crime, this is because the urge to shoot the victims materialized only when the victim intended to escape,” pahayag ni Atty. Anne Kathryn Diaz, Clerk of Court, Navotas RTC Branch 286.
Apat hanggang anim na taon lang na pagkabilanggo ang ipinataw sa kaniya.
Pinagbabayad din siya ng tig-P50-K civil at moral damages sa Pamilya Baltazar.
Ang mga pulis na sina Police Executive M/Sgt. Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edward Jade Blanco, at Patrolman Benedict Mangada ay nahatulang may sala lamang sa kasong illegal discharge of firearms.
Ayon sa korte, ito ay dahil lamang sa kanilang admission of guilt at base sa ebidensiya, tumama lang sa tubig ang ipinaputok nilang baril at hindi ito tumama sa katawan ni Jemboy.
Sila ay pinatawan lamang ng apat buwan na pagkakakulong.
Ang pagbilang ng sentensiya nito ay magsisimula mula nang sila ay maaresto noong Oktubre noong nakaraang taon.
Ibig sabihin maaaaring makalaya na ang apat ngayon.
Absuwelto naman sa kaso si Police Staff Sgt. Antonio Bugayong dahil hindi umano napatunayang nagpaputok ito ng baril
Ang pamilya ni Jemboy, dismayado tuloy sa mga pangyayari.
Mababang hatol ng korte sa mga akusado sa Jemboy Baltazar Case, iaapela ng DOJ
Ang DOJ, hindi rin pinaboran ang naging desisyon ng Korte.
Mag-aapela daw ito sa Court of Appeals sa pamamagitan ng Solicitor General.
Naniniwala ang DOJ na magkaiba ang naging interpretasyon ng korte sa nangyaring pagpatay kay Jemboy.