Mga bagong batas para sa pag-upgrade ng 2 state colleges at pagtatatag ng 5 College of Medicine programs, nilagdaan ni PBBM

Mga bagong batas para sa pag-upgrade ng 2 state colleges at pagtatatag ng 5 College of Medicine programs, nilagdaan ni PBBM

NILAGDAAN bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pitong legislative measures na naglalayong pahusayin at palawakin ang mga kapasidad ng hindi bababa sa pitong Higher Education Institutions (HEIs) sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11968, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang conversion ng San Isidro Satellite Campus ng Leyte Normal University (LNU) sa San Isidro, Leyte sa isang regular na campus na tatawaging “LNU-San Isidro Campus”.

Pinirmahan din ni Pangulong Marcos ang RA No. 11969, kung saan ginawang regular na campus ang Bataan Peninsula State University (BPSU)-Bagac Extension Campus sa Bagac, Bataan na tatawagin ng “BPSU-Bagac Campus”.

Nilagdaan din ng Pangulo ang mga batas na nagtatag ng colleges of medicine tulad ng College of Medicine sa La Trinidad, Benguet at College of Medicine sa Lucban, Quezon.

Pinirmahan din ng Punong-Ehekutibo ang RA No. 11972 na nagtatag ng University of Eastern Philippines-College of Medicine sa Catarman, Northern Samar, at RA No. 11974 na nagtatatag ng Visayas State University-College of Medicine sa Baybay, Leyte.

Sa ilalim ng mga bagong likhang batas, ang HEI ay maaari na ngayong magpatuloy sa pag-aalok ng Doctor of Medicine program.

Kabilang dito ang isang Integrated Liberal Arts and Medicine program upang bumuo ng isang pangkat ng mga propesyonal na manggagamot at tumulong na palakasin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa.

Layunin din ng mga batas na tumugon sa mga pangangailangan ng human resource development ng kani-kanilang probinsiya.

Samantala, nilagdaan din ng Pangulo ang RA No. 11973 na nagtatag ng Bicol University-College of Veterinary Medicine sa Ligao City, Albay.

Nilalayon nitong makabuo ng isang pangkat ng mga propesyonal na veterinary physicians na sanay sa pag-iwas, pagsusuri, paggamot, at pagkontrol sa mga sakit ng hayop, kabilang ang terrestrial at aquatic animals.

Pinirmahan ni Pangulong Marcos ang mga bagong batas na ito noong Disyembre 20, 2023 na magkakabisa 15 araw pagkatapos itong mailathala sa opisyal na pahayagan, o sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble