Mga balimbing sa pulitika, pinapaparusahan ni dating Pangulong Gloria Arroyo

Mga balimbing sa pulitika, pinapaparusahan ni dating Pangulong Gloria Arroyo

ITINULAK ni dating Pangulo at incumbent House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang panukala na magpapalakas sa political party system ng bansa sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga balimbing sa pulitika.

Normal lamang sa bansa ang pagiging balimbing tuwing eleksyon.

Ito’y nangyayari kapag lumilipat ng partido ang mga pulitiko sa layuning makadikit sa grupong mananalo.

Ngunit para kay dating Pangulong Arroyo, hindi na ito dapat mangyari.

Kaya si GMA na ngayo’y Senior Deputy Speaker ng 19th Congress ay naghain ng panukala laban sa mga balimbing sa pulitika.

Saad nito na nagagamit ang political parties para manalo sa eleksyon kaya kalimitan palipat-lipat ng partido ang mga kandidato.

Diin din nito na ipinapakita ng mga politiko na palipat-lipat ng political party na sila ay walang ideological commitment.

“Turncoatism should never be encouraged nor tolerated since it only distorts the concept of word of honor and dignity of a leader,” pahayag ni Arroyo.

Batay sa House Bill 488 ni Arroyo, otomatikong tanggal sa pwesto ang mga balimbing na kandidato kung lilipat ito ng partido isang taon matapos o bago ang eleksyon.

Pagbabawalan din itong tumakbo sa anumang posisyon sa paparating na halalan bukod pa sa pagbabawal na ma-appoint sa anumang posisyon sa loob ng 3 taon.

Hindi rin sila maaaring humawak ng posisyon sa lilipatang partido.

At kung hindi ay kailangan nitong ibalik ang lahat ng ginastos o ibinigay sa kanya ng iniwanang partido kasama ang 25% surcharge.

Para naman sa isang political analyst na si Prof. Anna Malindog-Uy, maganda ang panukala ngunit sana raw ay sabayan ito ng political reform.

“There should be an accompanied change in the political structure of the country. From a presidential form of government to a parliamentary form which basically transitions us from personality-based politics to a more party-based politics. Kasi it’s one thing to sanction these political butterflies pero kasi meron pa ring option for them to actually lipat after a year or two kasi hindi naman exhaustive ang bill na pinapasa na probably magiging batas no,” pahayag ni Prof. Anna Malindog-Uy.

“So sa akin, okay sana siya kung bibigyan pa ng pansin ng Kongreso specially ng legislative branch both the Upper and the Lower House yung tinatawag natin at clamour ng Pilipino na change in the political form of government. Na sana ay pagtuunan ng pansin kasi yun talaga ang mag-aaddress sa tinatawag mong mga balimbing sa pulitika,” dagdag ng propesor.

Follow SMNI News on Twitter