Mga biktima ng Bulkang Taal, tumanggap ng pabahay mula sa NHA

Mga biktima ng Bulkang Taal, tumanggap ng pabahay mula sa NHA

TATLONG taon matapos sumabog ang Bulkang Taal noong 2020 ay mayroon nang permanenteng tahanan ang mga dating bakwit dahil sa nangyaring kalamidad.

Halos maiyak si Aling Nicole nang tinanggap niya ang certificate para sa isang libreng pabahay.

Si Nicole ay kabilang sa daan-daang benepisyaryo ng housing program para sa calamity victims ng National Housing Authority (NHA).

Sila ang mga nakatira sa isla na pinakamalapit sa bibig ng Bulkang Taal, na isang active volcano.

“Sobrang hirap po talaga, pagputok ng bulkan, dumating pa yung COVID-19, di namin alam kung ano ang gagawin naming, nagsunod-sunod na yung hirap na nadarama namin,” pahayag ni Nicole Pascua Magpantay, Housing Program Beneficiary.

Araw ng Biyernes, opisyal nang inagurahan ang housing project para sa mga residenteng biktima ng Bulkang Taal.

Ito ito ay pinangunahan ni National Housing Authority General Manager Joeben Tai at Congresswoman Maitet Collantes.

Guest speaker naman si Senator Francis Tolentino.

“Alam ko po na matagal na ninyo itong hinihintay… Ingatan po ninyo ang inyong mga bagong tahanan na handog ng pamahalaan,” saad ni Joeben Tai, General Manager, NHA.

“Ang mga pabahay na ito ay simbolo ng panibagong simula … Ligtas at matiwasay,” ayon kay Congw. Maitet Collantes, 3rd District, Batangas.

“Ang nasaksihan nating pagbibigay ng bahay ay pagbibigay ng buhay… Alagaan nyo po ang bahay na ipagkakaloob sa inyo,” ani Sen. Francis Tolentino.

Sen. Tolentino, pinangunahan ang inagurasyon sa Batangas Housing Project para sa mga biktima ng Taal Volcano

May kabuuang 150 housing units ang pinasinayaan araw ng Biyernes, Hunyo 2.

Isa pang 150 units ang matatapos sa katapusan ng Hulyo, at ang natitirang 125 units ay inaasahang matatapos sa buwan ng Nobyembre ngayong taon.

Si Tolentino, na siyang chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement noong 18th Congress, ang nagpasimula ng proyekto sa pakikipagtulungan ng NHA at lokal na pamahalaan ng Talisay.

Sina NHA General Manager Joeben Tai, Batangas 3rd District Representative Maitet Collantes, at Talisay Mayor Nestor Natanauan ay nakiisa kay Sen. Tolentino sa pagbibigay ng mga housing unit sa mga residente na pawang nagmula sa Taal Volcano Island, na isa nang hazard zone.

“Palagay ko natugunan ng pamahalaan ang pangangailangan… Sa Talisay Batangas,” dagdag ni Sen. Tolentino.

“Total po nito ay 600 housing units para sa mga biktima ng Taal Volcano eruption… Magkakaroon dito ng covered court, livelihood center and terminal?” saad ni Mr. Joeben Tai, General Manager, NHA.

Ang pagsabog ng Taal Volcano noong 2020 ay nakaapekto sa 53,697 indibidwal o 10,131 kabahayan sa buong lalawigan ng Batangas, batay sa datos na inilabas ng NHA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter