Mga biktima ng nasunog na passenger vessel sa Basilan, pinagkalooban ng tulong

Mga biktima ng nasunog na passenger vessel sa Basilan, pinagkalooban ng tulong

NAGPADALA ng tulong si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa mga biktima ng nasunog na passenger vessel sa karagatang sakop ng Basilan.

Ayon kay Hataman na P3,000 ang ipinagkaloob sa 68 survivor ng trahedya.

Nakipag-ugnayan din ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa karagdagang P2,000 sa bawat biktima tulong-panggastos sa pagpapagamot at iba pa.

Nakapagpaabot na tayo mula sa ating tanggapan ng tulong pinansyal na P3,000 sa 68 na survivor ng trahedya at sa pakikipag-ugnayan ang ating tanggapan sa DSWD, nabigyan pa ng karagdagang P2,000 ang bawat biktima na sana ay makatulong sa mga gastusin nila sa kasalukuyan,” saad ni Hataman.

Nakikipag-usap na rin ito sa mga awtoridad at mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang siyasatin kung ano ang puwedeng gawin para maiwasan ang ganitong klaseng aksidente.

Matatandaan na mahigit 30 katao na ang nasawi matapos masunog ang MV Mary Joy 3 at patuloy pa ang search and rescue operations para sa mga survivor.

Sa ngayon, inaalam pa ni Hataman ‘mula sa mga ahensiya tulad ng DSWD at ng mga lokal na pamahalaan sa Basilan kung anong tulong ang maaari pang ibigay sa mga biktima ng insidenteng ito.’

 

Follow SMNI NEWS in Twitter