Mga biktima ng online lending scam umabot na sa mahigit 100-K

Mga biktima ng online lending scam umabot na sa mahigit 100-K

UMABOT na sa mahigit 100 libong Pilipino ang nabiktima ng online lending app.

Ikaw ba ay nagigipit at naghahanap ng mapag-uutangan?

Mag-ingat sa mga kumakalat na lending application dahil baka imbes na makatulong baka ito pa ang iyong pagsisisihan.

Hindi na mapigilan na maiyak ni Manong Johny hindi niya tunay na pangalan isang overseas Filipino worker (OFW) sa Taiwan matapos na mabiktima ng online lending app.

Ayon sa kaniya naengganyo lamang siyang mangutang online dahil sa matinding pangangailangan.

Dahil sa matinding pangangailangan din ang rason ni Kikay Bautista kung bakit siya naka-utang sa lending app, aniya desente naman ang kaniyang kinikita bilang isang call center agent sadiyang dumating lang aniya sa punto na nagigipit sa pera.

Si Manong Johny at Kikay ay ilan lang sa libu-libong mga Pilipino na nabiktima ng online lending app, modus ng mga kriminal, gumawa ng application at mang-engganyo sa social media na sila ay nagpapautang.

Ngunit ayon sa mga biktima, sa panahon na sila ay nakapasok na sa transaksiyon hindi nila nakuha ang tamang pera na kanilang inutang, hindi rin nasusunod ang bilang ng araw na palugit bago bayaran ang inutang at ang malaking patong ng interes.

At sa panahon na hindi na mabayaran, dito na papasok ang pananakot, pagpapahiya, panggugulo at mas malala pa gagawa ng edited na sex video laban sa mga umutang.

Ayon kay United Filipino Global Chairperson Gemma Sotto na umabot na sa mahigit 100 libong Pilipino ang nabiktima ng online lending app.

Dahil dito ay nananawagan sila sa Senado na sila ay tulungan at aksiyonan ang naturang isyu.

Payo naman ni PLt. Gen. Rhodel O. Sermonia, Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag tangkilikin ang mga magagandang offer online.

Para naman kay PCol. Armel S. Gongona, Deputy Director for Administration ng PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) na upang matigil na ang lumalawak na modus at dumadaming kriminal online ay kailangan ng whole of the nation approach.

Sa ngayon ay ginagawa na ng PNP ang lahat upang madakip ang mga nasa likod ng online lending scam.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter