Mga botante sa Hong Kong, nagpahayag ng komento sa mga nais iboto sa halalan 2022

Mga botante sa Hong Kong, nagpahayag ng komento sa mga nais iboto sa halalan 2022

NAGBIGAY ang mga botante sa Hong Kong ng kanilang samu’t saring opinyon para sa kanilang susuportahang kandidato sa paparating na halalan.

Sa panayam ng SMNI News Team sa mga botante sa Hong Kong, nagbigay ang mga ito ng iba’t ibang komento patungkol sa mga kandidatong kanilang susuportahan sa paparating na halalan ngayong Abril 10.

Sa pahayag ng Consul General ng Pilipinas na si Rally Tejada, sinabi nito na isa ang Hong Kong sa may pinakamaraming naitalang botante.

Kung kaya’t nagsagawa ng survey ang SMNI Hong Kong upang alamin ang opinyon at saloobin ng mga kababayang makikilahok sa paparating na national election sa Pilipinas.

Ayon sa isang OFW na magiliw na tagasuporta ni presidential candidate na si Isko Moreno, dapat lang aniya na iboto si Isko sa mataas na posisyon dahil sa marami itong nagawa.

“Nakikita naman natin gumagawa hindi ngumangawa. Tsaka napakagwapo ng aking presidente si Isko po tayo God first,” ayon sa isang OFW.

Nakapanayam din ng SMNI ang isa sa mga supporter ni presidential candidate Leni Robredo.

Sinabi nito, tiyak ang tiwala nito sa kaniyang kandidato dahil isa itong ekonomista at walang bahid ng korupsiyon.

“Yung mga katangian hinahanap ko kay Leni eh, Leni Robredo kasi wala siyang bahid ng korupsiyon, malinis ng track record at tsaka economist at tsaka marami, marami na siyang ipinakita na nagawa sa panunungkulan niya sa bayan natin. At yung tapat na gobyerno yun ang gusto ko sa kanya,’’ ayon naman sa isang Leni supporter.

Sa kabilang banda, maraming mga BBM-Sara UniTeam supporters ang na-encounter ng grupo.

Anila, aabot sa 70 hanggang 80 porsyento ang supporter ng UniTeam sa Hong Kong.

Iminungkahi ng isang BBM supporter na dahil kay Marcos napaunlad ang Pilipinas.

“Kung alam lang ninyo ano ang naging progreso nung panahon ni Marcos noong una. Umunlad at nakilala sa buong daigdig ang Pilipinas dahil kay Marcos. Ngayon uulitin ngayon uli para ang Pilipinas maunlad sa buong daigdig,” ayon naman sa isang BBM supporter.

Bagama’t magkakaiba-iba ang kanilang pananaw at opinyon patungkol sa mga tumatakbong kandidato, nagkakaisa naman sila sa panawagan na maging malinis at mapayapa ang darating na halalan.

Samantala, marami na rin sa mga OFW ang excited na bumoto ngayong darating na eleksyon at sumasang-ayon sila sa panawagan ng konsulado na bumoto nang maaga.

Follow SMNI NEWS in Twitter