PANAWAGAN ngayon ni Attorney Larry Gadon sa Korte Suprema na bigyang konsiderasyon na makapag-Bar exam ang mga COVID-19 positive examinees.
Ayon kay Attorney Gadon, dapat na irekonsidera ng Supreme Court (SC) ang naging pagbabawal nito sa mga COVID-19 positive examinees na sumailalim sa Bar exam.
Binigyang diin ni Gadon na maaring sumailalim pa rin sa exam ang mga examiners na nagpositibo sa virus sa pamamagitan ng paglalagay sa mga ito sa isang isolation room.
“Nararapat lamang na bigyan pa rin ng pagkakataon na kumuha pa rin ng examine ang mga Bar examinees na positive sa COVID. Pwede naman silang ilagay sa isolation room para makakuha ng Bar,”ayon kay Attorney Gadon.
Ani Gadon, dapat na kumuha umano ang SC ng mga nars at frontline workers na magiging special proctors na tatao sa isolation room na ilalaan para sa mga COVID-19 positive examinees.
“These medical personnel are experts in protecting themselves from infection,”saad ni Gadon.
At kung hindi ito pahintulutan ng SC, ay maari rin na maglagay ng dagdag na CCTV sa isolation room.
Pahayag ni Gadon, marami sa mga ito ang nagbyahe pa mula sa malayong lugar para makakuha ng nasabing pagsusulit at kung ipagkakait sa kanila ang pagkakataong ito ay gugugol na naman ang mga ito ng taon bago makapag Bar exam kaya maawa naman sana ang mga ito sa mga nagpositibo.
“Many of them have to travel from the provinces to go to Manila for their review. If denied a chance to take the examination this year, they have to review and spend much again. Let’s have pity on them,”paliwanag nito.
Dalangin ni Gadon na sana’y maawa ang Korte Suprema at bigyan ng pagkakataon at konsiderasyon ang mga nagpositibong examinees na maabot ang kanilang pangarap na maging abogado, matapos ang ilang taon nilang pagsasakripisyo at pagsisikap para dito.
“They waited for this chance, spending so much time and money to go back to what they learned at law school, in order to reach their dream of becoming a lawyer. I pray that our SC will put into consideration the ordeal that confronted each examinee and make adjustments to allow even those with covid-19 to take the bar,”dagdag nito.