NAIS painbestigahan ni Senador Win Gatchalian ang dumaraming presensya ng mga dayuhan sa mga upscale gated subdivision, ito ay matapos na pinaghihinalaan na nagtatrabaho ang mga ito para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na kilala na ngayon bilang Internet Gaming Licensees (IGLs).
Partikular na tinukoy ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means ang patuloy na pag-aalala ng mga homeowners sa Multinational Village sa Paranaque City dahil sa dumaraming bilang ng mga dayuhang naninirahan ngayon sa kanilang subdibisyon.
Batay sa sumbong ng mga residente, ang isang enclave sa loob ng subdivision na nagtatampok ng mga Chinese restaurants, spa, at salon ay eksklusibo para sa nasabing mga dayuhan.
“Nakakabahala na maaaring mga pugante na galing sa ibang bansa ang mga nakatira sa mga subdivision na ito. Alam nila kung paano gumalaw at kung sino ang kakausapin dahil pinag-aaralan ng mga sindikatong ito ang galawan dito. Malakas ang loob nila dahil meron silang koneksyon at nakakakuha sila ng proteksyon mula sa mga matataas na opisyal sa bansa,” diin ng senador.
Sinabi ni Gatchalian na dapat matiyak na ang mga nasabing dayuhan ay hindi empleyado ng pogo na madalas nauugnay sa mga krimen.
Nakakabahala aniya ang isinagawang raid noong Nobyembre 2023 ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang tirahan sa Ayala Alabang Village, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 11 na Chinese national dahil sa pagsasagawa umano ng illegal online gambling activities.
Nakumpiska sa raid ang isang hindi lisensyadong .45-caliber pistol na may magazine at anim na round, isang 9mm pistol na may magazine, isang switchblade knife, at mga gambling paraphernalia.
Si Gatchalian ay nagsusulong para sa pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa.
Una nang lumabas sa isang report mula sa gobyerno mataas social cost sa patuloy na operasyon nila sa bansa kumpara sa anumang kita sa ekonomiya mula sa nasabing industriya.