NAIS paimbestigahan sa Senado ni Senador Risa Hontiveros ang mga hindi nagamit at napasong COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Sa press conference, sinabi ni Hontiveros na naghain siya ng resolusyon para siyasatin ang pagbili at pangangasiwa ng COVID-19 vaccines sa gitna ng mga ulat ng unused at expired doses.
Binanggit ni Hontiveros ang mga ulat na 4 na milyon hanggang 27 milyong unused at expired doses ang posibleng itapon, na nagkakahalaga ng P5 bilyon hanggang P13 bilyon.
Ayon pa sa senadora, mukhang magtatapon ng pera at bakuna ang gobyerno sa kabila ng mabilis na namang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Hontiveros na layon ng resolusyon na alamin kung saan nagkamali o nagkulang sa proseso sa pagbili at pagbibigay ng bakuna.
Iginiit ni Hontiveros na dapat may managot sa posibleng ‘overprocurement’ at pagsasayang ng bakuna laban sa COVID-19.