UMABOT lang sa 40% na mga jeep sa National Capital Region (NCR) ang sumali sa consolidation bilang bahagi ng PUV modernization program.
Ayon kay DOTr Office of Transportation Cooperatives Chairperson Jesus Ferdinand Ortega, kahit hindi naman umabot sa kalahati ng mga jeep ang sumali sa consolidation process ay tinatayang nasa 70% naman ang sumali nito sa buong bansa.
Matatandaang Disyembre 31, 2023 ang deadline ng consolidation ng mga jeepney operator para bumuo ng kooperatiba.
Sinabi na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang magiging extension para dito.
Ang mga hindi kasama sa consolidation ay hindi na maaaring makapag-operate simula nitong Enero 1, 2024 partikular na sa mga rutang umabot sa 60% ang sumali sa nabanggit na proseso tungo sa PUV modernization program.
Ang mga ruta naman na mababa sa 60% o zero ang sumali sa consolidation ay maaaring makapag-operate subalit hanggang Enero 31 lang.