HINIMOK ng isang election lawyer ang mga national at local candidates ng 2022 Elections na basahin ang COMELEC Resolution ukol sa pangangampanya upang maiwasan ang pagkadiskwalipika.
Binigyang linaw ng batikang Election Lawyer na si Atty. Alberto Agra na may ipinagbabawal ang COMELEC na hindi isang Election Offense.
Kaya payo niya sa mga kandidato upang maiwasan ang kalituhan, basahin ang mga COMELEC Resolution at ang Fair Election Act.
Sa programang SMNI Nightline News, ipinaliwanag ni Agra na hindi lahat ng bawal tungkol sa campaign rally ay maikokonsiderang Election Offense.
Aniya ang mga bawal sa COMELEC na hindi Election Offense ay ang kakulangan ng permiso mula sa COMELEC Campaign Committee; pagpasok sa bahay ng botante; paghalik, pagyakap at pakikipagselfie; at hindi pagsuot ng face mask at face shield.
MGA BAWAL NG COMELEC NA HINDI ELECTION OFFENSE
(Walang kaukulang parusa para rito)
Walang permiso mula sa COMELEC Campaign Committee.
Pagpasok sa bahay ng botante.
Paghalik, pagyakap, pagkapit-bisig, pag-fist bump, at pakikipagselfie.
Hindi pagsuot ng face mask at face shield.
Ang mga bawal naman sa batas na ikonikonsiderang Election Offense ay ang kakulangan ng permit mula sa LGU para sa mga rallies, walang abiso sa mga Election officers ukol sa rallies at ang pagbibigay ng libreng sakay, pagkain at inumin limang oras bago at pagkatapos ng rally.
MGA BAWAL SA BATAS NA ELECTION OFFENSE
Walang permiso mula sa LGU para sa mga rallies.
Walang abiso sa mga Election officers ukol sa rallies .
Libreng sakay, pagkain at inumin limang oras bago at pagkatapos ng rally.
Alinsunod sa Election rules aniya, ang paglabag sa mga ito ay may kaakibat na parusa.
Dagdag naman ni Agra, kinakailangan aniya patas ang COMELEC at ang kapulisan sa pagpapatupad ng election rules sa panahon ng pangangampanya.
Samantala, nauna nang sinabi ng ahensiya na ang COMELEC Resolution 10732 ay mahigpit na ipinapatupad upang maiwasan na maging dahilan ng COVID-19 surge ang panahon ng pangangampanya.