ALAS sais pa lang ng umaga ng Biyernes ay mahaba na ang pila ng mga mamimili sa Agribusiness Development Center (ADC) Kadiwa store ng Department of Agriculture sa Quezon City.
Simula kasi ngayong araw ay makabibili na ng mura na lokal na sibuyas sa mga Kadiwa stores sa Metro Manila na sa ibang palengke ay umaabot sa 600 hanggang 700 piso ang presyo kada kilo.
Isa sa mga sinulit ang pagkakataon ay si Aling Mercedes na hindi nagdalawang-isip na pumunta sa pinakamalapit na Kadiwa store.
Kapansin-pansin na rin na mas malalaki na ang mga sibuyas na mabibili sa Kadiwa store kung ikukumpara sa mga palengke.
DA, naglaan ng 300 metric tons ng sibuyas sa mga Kadiwa Store sa Metro Manila
Sinabi naman ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na aabot sa 300 metriko tonelada ng bagong aning sibuyas ang isinuplay ng ahensya sa Kadiwa stores simula Disyembre 30 sa NCR.
Katumbas ito ng 10% ng total demand ng sibuyas sa Metro Manila batay na rin sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Layon nito na magkaroon ng murang opsyon ang mga mamimili lalo na ngayong mataas ang demand sa sibuyas.
Iba’t ibang magsasaka rin ang natutulungan na direktang maibenta sa mga konsyumer ang kanilang mga ani.
Posible aniyang hanggang 100 kilo ang ibabagsak na suplay sa bawat Kadiwa store depende sa pangangailangan.
Gaya na lamang sa ADC Kadiwa store sa Department of Agriculture na nasa 545 kilos ang ibinagsak para sa mga mamimili.
Lilimitahan naman ng hanggang isang kilo lang ang pwedeng bilhin ng kada konsyumer.
P250 SRP sa sibuyas, epektibo simula Disyembre 30 – DA
Samantala, inanunsyo naman ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na epektibo na ang P250 na suggested retail price sa sibuyas.
Ito ang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng kanyang social media account.
“We will stick firmly to the recommended price. The DTI will continue to monitor,” ani Pangulong Marcos.
Nilinaw naman ng DA na bagamat epektibo na ang P250 SRP sa sibuyas ay hindi pa ito mararamdaman sa mga palengke.
Dagdag pa nito na pinaiigting na ng DA ang information campaign nito sa mga tindera sa palengke kaugnay ng pinaiiral na P250 na kada kilong sibuyas.
Layon nitong matulungan naman ang mga tindera sa pamilihan na makahanap ng magsusuplay sa kanila ng mas murang sibuyas at maibenta ito na pasok sa SRP.