Mga mangingisda sa Pangasinan at Zambales, mas lalong naghirap sa administrasyon ni Marcos Jr.

Mga mangingisda sa Pangasinan at Zambales, mas lalong naghirap sa administrasyon ni Marcos Jr.

MAY mga panawagan ngayon sa gobyerno ang ilang mga mangingisda sa Pangasinan kasama na ang Samahan ng Mangingisda sa Pangasinan (SMP).

Saad ng presidente ng SMP na si Ajireco Bersales, ang hiling nila ay mas maluwang na batas at kalayaan sa pangingisda kung saan hindi na sila matatakot na hulihiin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Kasama na ang pag-amyenda sa Republic Act 10654 Section 97 kung saan inihalintulad anila ang Danish seining sa Muro Ami kung kaya’t sila ay apektado.

“So, ‘yung ginawa kasi nila doon sa RA 10654 Section 97 at tsaka 97.5 na inihalintulad nila ang Danish seining sa Muro Ami, na which is ‘yung Muro Ami, ang description doon ay destructive fishing. So, lumalabas na ang aming ginagamit na gear ay destructive kasi katulad siya ng Muro Ami na alam naman natin kung papaano ang style ng Muro Ami, ah mag-aarya ‘yan ng lambat tapos dudurugin ‘yung mga corals para lumabas ‘yung isda tapos pumunta sa lambat. Pero ‘yung sa amin hindi ganoon ang disenyo. Ang disenyo sa amin tinataboy lang ang isda papunta sa lambat, hindi kami puwede mag-arya sa corals kasi mapupunit ‘yung lambat namin,’’ pahayag ni Ajireco Bersales, President, Samahan ng mga Mangingisda ng Pangasinan.

Dagdag nito, dapat ang mga taga-ibang bansa na mangingisda ang hulihin dahil ang karagatan ng Pilipinas ay para sa mga Pilipino.

Hindi na rin aniya dapat i-prayoridad ng gobyerno ang importasyon dahil ang dapat suportahan ang mga lokal na mangingisda.

Saad naman ng auditor ng samahan na si Melani Sericon at asawa ng mangingisda, mas mainam na mangisda na lamang ang mga ito kaysa sa maging salot ng lipunan.

“Kasi po sa isang bangka, 20-25 ang laman po na tauhan. Sa isang tauhan, may pamilya, may anak, nakakapag-paaral po sila. Nabibigyan nila ng edukasyon ang mga anak nila. Kasi mangingisda nga, wala ngang pinag-aralan sila pero naghahanap-buhay sila para mabigyan ng edukasyon ‘yung mga anak nila para hindi maging katulad sa kanila. Hindi naman po lahat ng mangingisda hanggang mangingisda lang, nangarap din sa mga anak nila na makapag-tapos, katulad po sa akin ang asawa ko mangingisda pero nabigyan na rin niya ng edukasyon ang anak ko, mag-ga-graduate na, pasalamat na rin po namin sa Panginoon din dahil nakakapag-ano pa kami pero sana hindi po kami higpitan, ‘yun lang po ang hiling namin,” ayon naman kay Melani Sericon, Auditor, SMP.

Kabilang din sa idinadaing grupo ang sobrang mahal na pagtubos ng bangka na nakuha ng BFAR.

“Ang panawagan namin kay Pres. Marcos o sa mga congressmen o sa mga senador na mga mahirap tulad sa amin, pakinggan naman kaming mga mangingisda, huwag naman kaming i-close kasi ang gusto nila, kaming mga commercial fishing iko-close daw kami. ‘Di naman kami pinapakinggan hanggang ngayon pinapaasa lang kami, ‘di ba? Tapos pagdating diyan sa laot huhulihin kami ng BFAR, ang multa sa amin milyon milyon, P2-million, P3-million. Hanggang ngayon, ‘yung kasamahan namin, nandiyan pa sa BFAR ang mga bangka,” ayon kay Marlon Yasar, Vice President, SMP.

Dagdag pa ni Marlon Yasar, Vice President ng SMP, hindi nakakarating sa kanila ang anumang tulong ng gobyerno gaya ng fuel subsidy.

Ipinunto naman ni Bersales, ayos lang sa kanila na hindi makatanggap ng anumang tulong basta’t bigyan lang sila ng mas malayang paraan ng pangingisda.

Sa kabila nito, isinusulong din nila na magkaroon sila ng boses sa Kongreso, Senado at may sariling departamento.

Samantala, para naman sa Fisherfolks Association ng San Fabian, dapat ibalik ang dating paraan ng pangingisda kung saan hindi sila babawalan sa ibang area at hindi lamang limitahan sa municipal waters.

Aniya, dahil sa boundary ng pangisdaan, mas kaunti ang kanilang nahuhuli at minsan lugi pa sila sa langis.

“Ang sitwasyon namin dito ngayon sa San Fabian sir, pahirapan ng panghuli ng isda, kasi nagigipit din kami kapag napupunta kami sa ibang bayan. Halimbawa, kaming taga-San Fabian, nakatapat kami sa Dagupan, hinuhuli kami dahil illegal entry na daw kami. Sa ngayon, ‘di kami napapalayo, dito lang sa San Fabian, pero dati kasi, vice versa kami, hanggang sa Lingayen kami nakakapangisda. Sa ngayon, nandiyan na ‘yung mga maritime, may protocol na sila, kaming mga taga-San Fabian daw dito lang sa tapat, kaya maliit lang ‘tong pinangingisdaan namin kaya bumababa na ‘yung huli namin,” pahayag naman ni Sandro, San Fabian Fisherman.

Dahil dito, dumadaing siya ng tulong sa gobyerno kung saan kailangan nila aniya ng kahit financial assistance para magkaroon ng maliiit na negosyo bukod sa pangingisda.

Para naman sa mga mangingisda ng Masinloc, Zambales, base sa obserbasyon ni Jeffrey Elad ng Masinloc Tropical Peace Gatherer Association, mas nahihirapan na ngayon silang mangisda sa West Philippine Sea dahil mas naging agresibo ang Chinese Coast Guard dahil sa katatapos lang na pagsasagawa ng Balikatan Exercise kasama ang bansang Amerika.

Aniya, mas istrikto na ngayon ang China kaya mas mainam na aniya para sa kanila ang hindi na lang pumunta sa Bajo de Masinloc dahil may panahon na hina-harass sila at wala na silang maiuwing mga isda.

Mas mainam pa aniya sa panahon ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil nakakapangisda sila sa Bajo de Masinloc ngunit sa panahon ni administrasyong Marcos Jr., naging mas mahigpit ang China lalo na nitong Mayo 14.

“Ang gusto lang diyan sana, maibalik ang dating samahan ng mga Pilipino at China na parang magkakaibigan lang ng pangisda, walang gambalahan, kanya-kanyang diskarte,’’ ayon kay Jeffrey Elad, Masinloc Tropical Peace Gatherer Association.

Bokya o zero naman ang ibinigay nitong grado sa administrasyon ni BBM, wala aniyang tulong na nakakarating sa kanila mula sa pamahalaan.

Hiling naman ng barangay captain ng San Salvador, Masinloc na si Richard Pascual, ang dagdag ng pangmatagalang pinansiyal na tulong sa mga kababayan niyang mangingisda.

“Tapos ‘yung dapat matutukan, madagdagan ‘yung tulong pinansyal sa aking mga kababayan, ka-barangay na mangingisda. Mahirap talaga ‘pag ganitong panahon, ganyan, malakas ang hangin, malakas ang alon, ‘yung matutukan talaga. Hindi ‘yung panandaliang tulong lang kumbaga pangmatagalang tulong na,” ayon naman kay Richard Pascual, Barangay Captain, San Salvador, Masinloc.

Ito ang ika-tatlong State of the Nation Address na ni Marcos Jr. ngunit patuloy pa ring dumadaing ang mga mangingisda ng suporta at tulong mula sa gobyerno at hiling din nila na mas malayang pangingisda nang walang takot sa awtoridad man ng Pilipinas o ‘di kaya ng China.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble