AKTIBONG dumalo ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa lungsod ng Mandaluyong sa Orientation for Code of Parental Responsibilities and Children’s Right Seminar na isinagawa sa Rizal Technological University nito lamang ika-9 ng Agosto.
Dinaluhan ang nasabing seminar ng higit 150 benepisyaryo ng 4Ps na pinangunahan nina Atty. Francis Roxas, Mandaluyong City Legal Office at Ms. Sheryl Alim, Social Worker Officer II, Mandaluyong City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang sina Edgardo Salarzon Jr, Raquel Polito at Ruth Ason, mga City-Links ng 4Ps NCR.
Layunin ng seminar na talakayin ang mga pangunahing aspeto ng Code of Parental Responsibilities, kabilang dito ang karapatan ng bawat bata, mga obligasyon ng isang magulang, at mga hakbang na dapat isagawa upang masiguro na maayos na pangangalagaan ang bawat kabataan sa loob ng tahanan.
Ang seminar ay nagbigay-diin din sa kahalagahan ng pakikipagtulungan ng magulang, komunidad, at lokal na pamahalaan sa pagtutok sa mga isyu ng kabataan at mga angkop na solusyon para rito.
Samantala, batay rin naman sa Executive Order No. 209 of 1987 also known as The Family Code of the Philippines, isinasaad na ang mga magulang o guardian ang dapat pangunahing gagabay, magtuturo, at magmamahal sa kanilang mga anak upang lumaki silang maayos at responsableng mamamayan ng bansa.
Ang 4Ps NCR ay patuloy na nakikipatulungan sa bawat Ahensya ng pamahalaan upang suportahan at maging mas maayos at maginhawa ang pamumuhay ng mga mahihirap, mahihina, at nasa laylayang komunidad.
Editor’s Note: This article has been sourced from the DSWD-NCR Facebook Page.