Mga nasawi dahil sa pertussis, puro bata—DOH

Mga nasawi dahil sa pertussis, puro bata—DOH

INIHAYAG ng ang Department of Health (DOH) na lahat ng mga naitalang nasawi simula noong Enero dahil sa pertussis o whooping cough ay mga bata.

Sa darating na Miyerkules o Huwebes ay magpapalabas ng update ang DOH kung nadagdagan pa ang kaso ng pertussis o whooping cough.

Sa huling update ng ahensiya, umabot na sa mahigit 800 ang tinamaan ng naturang sakit mula Enero hanggang Marso 23 na 30 beses na mas mataas kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Ang pinakamaraming kaso nito ay naitala sa MIMAROPA, NCR, Central Luzon, Central Visayas, at Western Visayas.

Mula sa naturang kaso, 49 sa mga ito ang naitalang patay.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang lahat ng namatay sa sakit ay mga bata na may edad limang taon pababa.

Lumabas din sa pagsusuri na ang mga nasawing kabataan ay hindi pala nabakunahan laban sa pertussis.

Hindi na bago ang pertussis. Matagal na itong sakit na madalas tumama sa mga bata pero dahil aniya nakatutok sa COVID-19 response ang gobyerno sa mga nakalipas na mga taon ay humina ang bakunahan para sa pertussis.

Sa ngayon ay may nagagamit pa ang DOH na mga bakuna para sa pertussis.

Maliban dito, ayon kay DOH Asec. Dr. Albert Domingo, umorder na sila ng karagdagang 3M pentavalent vaccines.

Nagsimula na ring bumili ng sarili nilang bakuna ang mga LGU.

“We are using current DOH stocks, and many LGUs are also procuring on their own. We continue to await the arrival of the 3M pentavalent vaccine doses already ordered,” pahayag ni Asec. Albert Domingo, DOH.

Ang pertussis o whooping cough ay nagdudulot ng matinis at ipit na paghinga matapos ang pag-ubo. Ang mga batang biktima ay maaaring makaranas ng apnea o pagtigil sa paghinga, pagkahirap sa paghinga, at pagsusuka.

Ayon sa DOH nakakahawa ang sakit na ito.

Nakukuha ito sa bacteria na bordetella pertussis na nakukuha umano sa hangin at naipapasa kapag ang taong positibo rito ay umubo o bumahing.

Ayon sa DOH, kung napapansin ang ganitong klase ng pag-ubo sa mga bata ay kailangan nila ang agarang pagpapakonsulta sa pinakamalapit na health center.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble