Mga programa ng gobyerno kontra kagutuman, hindi ramdam ng ilang Pilipino

Mga programa ng gobyerno kontra kagutuman, hindi ramdam ng ilang Pilipino

ISANG ‘Walang Gutom Awards’ ang ginanap sa Malakanyang kasama ang ilang ahensiya ng gobyerno at local chief executives.

Sa kabila ng mga ibinibidang inisyatibang ito ng pamahalaan kontra kagutuman, ay iginiit ng ilan sa ating mga kababayan na hindi nila ramdam ang mga programang ito ng gobyerno, kung pagbabasehan, ang tumitinding hirap na kanilang nararanasan ngayon.

Si Mang Marox na isang tricycle driver ay sinabing hindi biro ang nararanasan niyang hirap sa buhay ngayon.

Aniya, sa kabila ng kaniyang pagsisikap ay hindi pa rin sapat ang kaniyang kinikita para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Ito’y lalo’t may apat na anak siyang pinag-aaral na sinabayan pa ng matataas na presyo ng mga bilihin.

Kaya hindi basta-bastang hirap at gutom ang kanilang dinaranas.

“Ako nga hanapbuhay ko tricycle driver lang ako pero hindi talaga nagkakasya. Minsan umuuwi ako away kami mag-asawa kasi wala akong naiuuwi nagba-boundary pa ako. Tapos mga bilihin pa sobrang taas, gasolina,” pahayag ni Mang Marox.

Ganoon din ang hinaing ni Mang Jeffrey, aniya hindi rin sapat ang kaniyang kita para sa kaniyang pamilya lalo na sa pagkain ng mga ito.

“Kahit pa, hindi pa sapat ‘yun kasi nangungupahan pa kami ng bahay, bayad ng kuryente, tubig, gastusin pa, pagkain, may pasukan pa eh ‘di mas lalo kaming nahihirapan. Mas mahirap talaga ngayon. Hirap na ngang kumita tapos sabayan pa ng hulihan,” ayon kay Mang Jeffrey.

Ilan lamang sina Mang Marox at Mang Jeffrey sa mga Pilipinong naging hamon sa araw-araw ang dinaranas na kahirapan at kagutuman.

Batay sa datos ng Department Social Welfare and Development (DSWD), halos 12% ng mga pamilyang Pilipino mula sa tinatayang tatlong milyong kabahayan ang nakararanas pa rin ng gutom sa nakalipas na huling tatlong buwan ng 2022.

Base rin sa datos, isa sa bawat tatlong batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ay nagdurusa pa rin sa ‘stunted growth’ dahil sa malnutrisyon.

Kaugnay rito, nagsagawa ng isang seremonya sa Palasyo ng Malakanyang nitong Miyerkules para sa paggawad ng Walang Gutom Awards (WGA).

Sa naturang event, kinilala ang local government units (LGUs) na may natatanging pagsisikap na labanan ang gutom at malnutrisyon sa bansa.

Ang naturang awards ay pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Galing Pook Foundation (GPF) kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD ay naglaan ng P2-M bawat isa sa sampung nanalong LGUs sa buong Pilipinas.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, tulong ito sa pagpopondo para sa kanilang mga proyekto sa pagpapaunlad ng komunidad.

“Which they can use to expand their anti- hunger program is and cover more beneficiaries to further improve the health and nutrition status of their constituents,” saad ni Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Sa isang talumpati, ibinida naman ni Pangulong Marcos ang mga pagsisikap ng pamahalaan kontra gutom kabilang dito ang Food Stamp Program at Walang Gutom 2027.

Batid aniya nito ang mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipino.

Sinabi pa niyang handa ang gobyerno na manguna sa pagtulong sa pagtugon sa problema ng kagutuman, sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan.

Pero para sa ilan sa ating mga kababayan, hindi nila ramdam ang mga programang ito ng gobyerno.

“Wala, hindi namin nararamdaman ‘yun, ‘yun ngang ayuda, maraming hindi nakakuha eh,” wika ni Mang Jeffrey.

“Sana po totoo iyan, may tumutulong sa ganitong kahirapan sa buhay, sana maawa naman sila na tumulong,” ayon kay Aling Monay.

Sabi naman ni Aling Monay, sa katunayan lalong lumalala ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay ngayon kumpara noong mga nagdaang taon.

At tila ba hindi sila pansin ng gobyerno sa gitna ng kanilang kalagayan ngayon.

“Mas malala ngayon, dati hindi naman ganito kahit mahirap, pero sa totoo lang ngayon mas mahirap talaga sa bilihin palang sobra, yung pera mo na isang libo parang isang daan na lang, ‘pag nabaryahan wala na, hindi ka na nakabili kahit gamot mo,”

“Siyempre kailangan lang natin may pagkain kahit wala na kahit ano meron, importante may pagkain ka sa araw-araw,” aniya.

Hinaing naman ni Mang Marox,

ang pamumudmod ng ayuda ng gobyerno ay hindi sapat para makaraos sa kahirapan at kagutuman.

“Parang ganuon nga pansamantala lang eh ang ayuda, ’yun sana pinakamaganda maghanap pa siya ng ibang paraan, para makaraos man lang sa gutom, oo pangkabuhayan,” ani Mang Marox.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter