Mga pulis pinagbawalang makisawsaw sa politika

Mga pulis pinagbawalang makisawsaw sa politika

NAGBABALA  si PNP Chief Police General Guillermo Eleazar sa mga tauhan nitong mga pulis  na huwag makikisawsaw sa politika.

Ayon kay General Eleazar, unahin muna ang seguridad ng komunidad kaysa sa politika.

Mariing pinaalalahan ang mga kawani nito na huwag gamitin ang impluwensya at awtoridad sa politika.

Ayon kay Eleazar, ikasisira lamang ito ng reputasyon at karera ng mga pulis hanggang sa tuluyang mawalan ng trabaho.

Paalala pa ng PNP Chief sa mga kapulisan sa anumang ranggo na huwag magpalinlang sa kapangyarihan ng pera.

Ani Eleazar, dapat pahalagahan ng mga ito ang propesyon at sinumpaang tungkulin.

Malaki aniya ang mawawala sa kanila gaya ng mga benepisyo at pensiyon kapag sila ay nagretiro na.

“Pinaalalahanan ko lang ang ating mga kapulisan na hanggang 56 years old ang career ninyo sa PNP, mas mahaba ang tour of duty ninyo as policemen kumpara sa mga pulitiko. Kaya huwag ninyong sayangin sa maikling panahon ng kampanyahan at halalan ang mga taon na dapat ay kayo ay nasa serbisyo dahil kung mapatunayan na nakikialam kayo sa pulitika, ang laki ng mawawala sa inyo at kasama diyan ang mga benepisyo gaya ng pension kapag kayo ay nagretiro,” pahayag ni Eleazar.

Giit pa ni Eleazar, sa ilalim ng kanilang mandato, hindi maaaring sumali sa usaping politikal ang mga pulis kung aktibo  pa ang mga ito sa posisyon o sa serbisyo.

“Policemen have no business in politics unless they resign and run for public office or openly support a candidate. We have already mechanisms to isolate the PNP from politics and we will make sure that all of these are in place and are properly observed,” ayon kay Eleazar.

Nauna nang dinismis ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang anim na  police officers ng Negros Oriental sa kasong grave misconduct and grave irregularities in the performance of their duty dahil sa pagsali ng mga ito sa isyu ng politka sa probinsya noong 2017.

“Gaya ng babala ni DILG Eduardo Año, aking pinaaalalahanan ang ating mga pulis na huwag na makigulo pa of makisawsaw sa mundo ng politika. Huwag po tayong magpagamit sa mga pulitiko na may hindi magandang agenda dahil sa huli, ikasisira lang natin ito,” ayon kay Eleazar.

Sa huli, hinimok ng PNP ang mga tauhan nito na pagtuunan ng pansin ang inaasahang pagkakaroon ng malinis na 2022 elections.

“Ang ating pagtuunan ng pansin ay kung paano makatutulong ang PNP na matiyak ang malinis at maayos na halalan sa 2022,” dagdag ng heneral.

BASAHIN: PNP, nagbabala sa paglaganap ng extortion ng mga NPA ngayong halalan

SMNI NEWS