Mga SF260 unit ng PH Air Force, grounded muna

Mga SF260 unit ng PH Air Force, grounded muna

PANSAMANTALA munang hindi lilipad ang lahat ng yunit ng SF260 ng Philippine Air Force kasunod ng trahedyang nangyari sa isang eroplano nito kamakailan lang.

Kasalukuyan pa ring nasa gitna ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa nasabing insidente.

Taos-pusong nagpaabot ng kanilang pakikiramay ang buong pamunuan ng AFP sa mga naiwang pamilya ng dalawang piloto na kinilalang sina Captain Ian Gerry C. Paulo at Captain John Paulo Oviso na kapwa servicemen ng Philippine Air Force.

“The AFP extends its sincerest condolences to the families and friends of the two Philippine Air Force pilots who perished in the SF-260 air mishap in Bataan on January 25,” ayon sa AFP.

Ang dalawa ay nasawi matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano.

Mula rito, upang maiwasan na maulit ang aksidente, pansamantalang hindi lilipad ang iba pang yunit ng SF260 habang isinasagawa ang malalimang imbestigasyon kaugnay sa nasabing insidente.

“All SF260 are now grounded while the investigation is ongoing to establish the circumstances behind the incident and for the safety of our airmen,” dagdag ng AFP.

Sa panayam kay AFP chief of staff General Andres Centino, ipinauubaya muna nito ang proseso ng imbestigasyon sa kamay ng Philippine Air Force hanggang matukoy kung sino ang dapat na managot dito.

Sa kabilang banda, tiniyak naman ng Philippine National Police ang kanilang mahigpit na pangangalaga sa kanilang aviation unit upang maiwasan ang kahalintulad na insidente na nangyari sa Philippine Air Force at sa isa pang commercial plane sa Isabela na nawawala.

Sa panayam ng SMNI News kay PNP chief Public Information Officer Col. Red Maranan, aminado ang kanilang hanay na may napulot silang aral kasunod ng nasabing insidente.

Aniya mahalaga ang pagkakaroon ng regular na maintenance sa mga air assets ng pamahalaan upang maiwasan na may madisgrasya sa himpapawid at magdulot ng pagkasawi ng buhay ng mga sibilyan at maging sa kanilang hanay.

Samantala, patuloy ring nakikipag-ugnayan ang PNP sa police command nito sa Isabela para tumulong naman sa nagpapatuloy na search and retrieval operations kasunod ng pagkawala ng isang Cessna 206 commercial plane.

Ayon sa impormasyon, may 6 na sakay ito at idineklarang nawawala matapos mag-take off sa Cauayan City Airport sa Isabela at hindi na nakarating pa sa destinasyon nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter