HAWAK na ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaki na suspek sa likod ng pagbabanta ng bomba sa isang pampublikong paaralan sa Quezon City.
Himas-rehas ngayon ang isang estudyante ng Ponciano Bernardo High School matapos ang ginawang bomb joke araw ng Huwebes sa Quezon City.
Sa pinagsanib puwersa ng Quezon City Police District, Cubao Police District, PNP Anti-Cybercrime Group at iba pang otoridad ay agad naaresto ang suspek.
Kinilala ang suspek na si Elfrank Emil Anthony Bacle Kadusale, 22 taong gulang at residente ng San Martin de Porres, Cubao QC.
Paliwanag ng QCPD, isang kaklase nito ang hiniraman niya ng cellphone at doon na nagpadala ng mensahe sa Ponciano High School Facebook page na magpapasabog ito ng bomba.
Sa ipinadalang mensahe ng suspek, nakasaad dito na may itinanim itong bomba na nakalagay sa itim ng bag.
Nanghihingi rin ito ng pabuya na nagkakahalaga ng P100,000.
“May tinanim ako na bomba sa elementary; sasama tayong mauubos; isang studyante ako sa als; samasama tayo; sasabog na sa may bag; na itim sa may cr banda; ubos ang mga bata sa ponciano; kailangan magbigay kayo ng 100k pabuya para di ko na ito ituloy; teacher ko ay si mam nancy; pakibigay nalang sa room,” mula sa suspek.
Binibigyang-diin ni QCPD Director PBGen. Nicolas Torre III na nagdulot ng pagkaantala ng klase at paglikha ng takot sa mga estudyante ang maling pagbibiro ng biktima.
Hindi rin tumitigil sa pagtutugis ang QCPD para naman sa iba pang suspek sa false bomb threat sa iba pang pampublikong paaralan.
Kilala na umano ng QCPD ang iba pang suspek at huwag na aniyang hintayin pa ang search warrant bago sumuko.
QC Mayor Belmonte, nagbabala sa mga nagpapakalat ng bomb threat sa lungsod
Samantala, nagbabala si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa lahat ng mga nagpapakalat ng false bomb threat sa lungsod.
Ito ay kasunod ng mga sunud-sunod na bomb scare na bumulabog sa New Era Elementary School, Emilio Jacinto High School, San Francisco High School at Ponciano Bernardo High School sa Quezon City.
Sa consultation meeting kasama ang Quezon City Police District, inihayag ni Belmonte na pananagutin at hindi nila palalagpasin ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng bomb threat sa lungsod.
“We will go after those who spread false information or pranks about bomb threats. Our schools are supposed to be a safe place for our students, and we will not take these pranks and threats lightly,” ani Mayor Joy Belmonte, Quezon City.
Inatasan din ng alkalde ang QCPD na gawin ang nararapat, arestuhin ang sinumang indibidwal na nagpapakalat ng false bomb threat information.
Nanawagan din ang alkalde sa City Council na gumawa ng ordinansang nagsasaad ng mas mabibigat na parusa o multa sa sinumang magpapakalat ng maling impormasyon ukol sa mga bomba at pampasabog.
Matapos ang isinagawang masusing inspeksyon ng QCPD Explosive Ordinance Disposal (EOD) unit, nagnegatibo naman sa anumang bomba o pampasabog ang mga nabanggit na paaralan.
