Mga supermarket na nagbaba ng presyo ng asukal sa P70/kg, walang benepisyo mula sa gobyerno – DTI

Mga supermarket na nagbaba ng presyo ng asukal sa P70/kg, walang benepisyo mula sa gobyerno – DTI

WALANG benepisyo mula sa gobyerno ang mga supermarket na nagbaba ng presyo ng asukal sa P70/kg kasunod ng hiling ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ayon ito sa paglilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa ahensiya, welcome din ang small retailers o maliliit na pamilihan at supermarkets na makapagbenta ng P70/kg ng asukal.

Matatandaan na pinatawag kamakailan sa Palasyo ng Malakanyang ang tatlong malalaking supermarkets sa bansa sa gitna na rin ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at kabilang na ang asukal.

Kabilang sa naturang mga supermarket ang Robinsons Supermarket, SM Supermarket at Puregold.

Hiniling ni Pangulong Marcos sa mga ito na mula sa dating P100-P120, ay ibaba sa P70.00 kada kilo ang presyo ng asukal.

At ngayon bukod sa nabanggit na tatlong major chains, may ilang small retailers din ang nagpahayag ng kanilang intensyon na magbenta ng white refined sugar sa halagang P70 per kilogram.

Sinabi naman ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na welcome din ang mga maliliit na pamilihan na magbaba ng kanilang presyo ng asukal ngunit may paglilinaw lamang dito ang ahensiya.

Ani Castelo, walang benepisyo mula sa gobyerno ang tatlong major chains na nagbaba ng presyo ng asukal sa P70 per kilogram.

“Okay naman, they are most welcome to join us kung kaya nila na makapagbenta rin ng P70 per kilo na white refined sugar, pero kasi wala namang benepisyo ito or tulong na binibigay ang government dun sa tatalong retail chains nabanggit,” paglilinaw ni Castelo.

Paliwanag pa ni Castelo, ang pagbebenta ng 3 retail chains ng mababang presyo ng asukal ay parte ng kanilang Corporate Social Responsibility (CSR) programs.

Kapalit nito ani Castelo, ay ang pag-promote lamang ng DTI sa kanilang pamilihan para puntahan ng mga mamimili dahil sa mababang presyo ng asukal.

“Kung okay sila, they can signify their intention para maisali rin natin dun sa programa and we can also help promote them. Ang incentive natin, pino-promote natin ang stores na ito para puntahan ng tao at dun sila makabili ng murang asukal,” ayon kay Castelo.

Samantala, may tugon naman ang Malakanyang sa mga umaalmang maliliit na supermarkets na hindi kayang sabayan ang presyo ng tatlong major chains na nagbebenta ng P70/kilo ng asukal.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, pansamantala lamang ang mababang presyo ng tatlong malalaking supermarket.

Babalik din aniya sa dating presyo ang asukal kaya makabebenta rin ang mga malilit na pamilihan.

“Sa ngayon kasi dahil boluntaryo lang naman po iyong pagbaba ng presyo ng mga malalaking supermarket at may limited period po ito. Halimbawa, iyong sa SM – while supplies last lang. So, in this case—pero kasi hindi ko hawak now, pero iyong iba kasi ay may limited period lang talaga sila. So, after that period babalik na tayo kung ano iyong dikta ng market natin,” pahayag ni Cruz-Angeles.

Subalit sinabi ng Press Secretary, kung sakaling mag-extend ang mga may-ari ng malalaking supermarkets sa pagbebenta ng murang halaga ng asukal, kikilos ang pamahalaan upang hindi maapektuhan ang mga maliliit na negosyante.

“So, if panandalian then we might not need to respond kasi makakabenta sila when the period expires. Pero kung ma-extend ito or the President or iyong masyadong dire iyong magiging effect sa kanila, then magriresponde ang ating gobyerno. Asahan ninyo po,” ani Cruz-Angeles.

Sa kabilang banda, dito naman sa suggested retail prices ng asin, may pangangailangan at hindi dahil kapos sa supply ang bansa ang dahilan ng pagtaas ng presyo nito.

Ayon sa DTI, anim na taon nang hindi nagtataas ng presyo ang mga gumagawa ng asin kaya’t pinagbigyan na sila ngayon na mag adjust sa SRP nito.

Follow SMNI News on Twitter