SIMULA noong Setyembre 14, 2024, ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay nasa ilalim na ng bagong operator nito, ang New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ng San Miguel Corporation (SMC).
Kasunod nito, nagkaroon ng mga pagbabago pagdating sa mga polisiya at operasyon ng paliparan.
Una nang inanunsiyo ni Manila International Airport Authority General Manager Eric Jose Ines na ang MIAA ay sumasailalim sa napakahalagang pagbabago.
Isa na rito ang pag-shift bilang regulatory body para sa NAIA sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) agreement kasama ang newly-appointed operator, ang New NAIA Infrastructure Corporation.
Ayon kay Atty. Chris Bendijo, ang tagapagsalita at Head Executive Assistant ng Manila International Airport Authority, kung dati, ang MIAA ang nagpapatakbo ng paliparan; ngayon, sila naman ang mag-o-obserba o magbabantay sa nagpapatakbo ng paliparan o ito iyong NNIC.
Bilang paghahanda at habang nasa proseso ng pag-unawa at pag-adopt sa bagong papel na ginagampanan bilang airport regulator, isinalaysay ni Bendijo na nakumpleto na nila ang three-day workshop na inorganisa ng Asian Development Bank (ADB) para dito.
Kasabay rito, ipinaliwanag ng opisyal ang ilang usapin na nakapaloob sa concession agreement.
“At doon sa ating concession agreement, may nakapaloob po ditong key performance indicators, magiging trabaho na po ng MIAA na bantayan na tutugunan po ito ng NNIC,” ayon kay Atty. Chris Bendijo, Spokesperson, MIAA.
Sa gampaning ito ng MIAA, pagdating sa ika-walong taon ng concession agreement, ito rin ang magiging basehan kung palalawigin pa ng additional ten years ang kontrata sa NNIC.
At kung hindi naman nagagampanan ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ang nakapaloob sa concession agreement, ang kanilang kontrata ay mananatili ng labinlimang taon lamang.
Sa ngayon, maraming ginagawang aktibidad ang MIAA bilang paghahanda sa bagong tungkulin.
Sinabi ni Bendijo na mayroon silang mga naka-iskedyul pang pagsasanay sa kanilang magiging electronic data system, kung saan magkakaroon ng palitan ng komunikasyon sa pagitan ng private concessionaire at MIAA.
“We are familiarizing ourselves with this new technology.”
“We convened iyong project management team at nang sa ganoon, bawat departamento ng MIAA, ay may tungkulin na babantayan, may key performance indicator na babantayan at ng sa ganoon ay masigurado nating matutugunan ng ating private concessionaire ang concession agreement,” dagdag ni Bendijo.
Samantala, tiniyak ng pamunuan ng MIAA na handa pa rin itong makinig at maglingkod sa mga mananakay sa paliparan.
“Kung mayroon pa kayong nais iparating, reklamo, opinyon o reaksiyon sa mga bagay sa mga developments na nangyari sa ating paliparan, huwag po kayong mahiyang lumapit sa amin at amin po itong ipaparating din sa ating private concessionaire,” aniya.