ARESTADO ang isang miyembro ng Maute Group sa pagpatutupad ng search warrant sa Brgy. Lakadun, Masiu, Lanao del Sur.
Kinilala ni PNP CIDG Director Police Brigadier General Romeo Caramat, Jr. ang suspek na si Acmad Casim, alyas Batang Kriminal na nahaharap sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Habang ipinatupad din ang arrest warrant kay Acmad dahil sa kasong murder.
Ayon kay Caramat, si Acmad ay kasamang nakipaglaban ng teroristang si Omar Maute sa panahon ng karumal-dumal na Marawi siege.
Nakuha kay Acmad ang isang Para Ordnance caliber 45 Pistol, steel magazine, live ammunition at empty shells.
Dinala na sa CIDG Lanao del Sur Provincial Field Unit ang suspek para sa documentation at proper disposition.
Samantala, nakatakas ang dalawa pang subject ng search warrant na kinilalang sina Aminola Casim at Pandi Dimaocom Mama.