MMDA Chief Abalos, nagbitiw para maging campaign manager ni BBM

MMDA Chief Abalos, nagbitiw para maging campaign manager ni BBM

NAGBITIW na si Attorney Benhur Abalos sa kaniyang posisyon sa bilang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chief.

Ito ay para mabigyang prayoridad ang kanyang trabaho sa darating na campaign period.

Epektibo kaninang alas 5 ng hapon ay umalis sa pwesto bilang chairman ng MMDA si Atty Benhur Abalos isang araw bago ang official na pag-arangkada sa campaign period para sa national candidates.

Inanunsyo ngayong araw ni Atty. Benhur Abalos ang kanyang pagbibitiw sa pwesto bilang pinuno ng MMDA.

Aniya, isang liham na may petsang Pebrero 4 ang ipinadala niya kay Pangulong Duterte na nagsasaad ng pagbibitiw nito sa pwesto ng hanggang ngayong araw nalang o isang araw bago ang opisyal na pag-uumpisa ng kampanya para sa mga nasyonal na kandidato.

Ang kanyang pagbibitiw ay upang bigyang daan ang kanyang bagong pagkakaabalahan – ang maging national campaign manager ni presidential aspirant Bongbong Marcos.

Paliwanag pa ni Abalos, taong 2016 pa lang ay tumulong na siya sa kampanya ni BBM nang tumakbo ito sa pagka-bise presidente.

“Kaibigan ko po si BBM, mabait po siyang tao,” saad ni Atty. Benhur Abalos.

MMDA Chief Abalos, nagpasalamat kay Pangulong Duterte

Samantala, nagpasalamat naman si Abalos kay Pangulong Duterte sa tiwalang ibinigay sa kaniya.

Maliban sa pangulo ay pinasalamatan din ni Abalos ang mga nakatrabaho niya sa ahensya at sa national government.

Matatandaang, nagsimula ang termino ni Abalos sa MMDA noong Enero 2021.

Si Abalos ang pumalit kay dating MMDA Chairman Danny Lim na pumanaw dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa kanyang panunungkulan bilang MMDA Chairman, naging aktibo si Abalos sa COVID-19 Response sa Metro Manila kabilang na ang pagbabakuna.

Tinutukan rin ni Abalos ang problema sa trapiko partikular na sa EDSA kabilang na rito ang pagbubukas ng mga U-turn slots, paglilinis sa ilalim ng mga flyovers at pagbubukas ng istasyon sa Pasig River Ferry Service.

Tinugunan din niya ang problema sa basura sa Kalakhang Maynila kung saan inilunsad nito ang solid waste granulator at brick-making facility upang mabawasan ang mga basura sa mga estero, ilog at iba pang waterways.

Pansamantala munang magiging officer in charge ng MMDA ang general manager ng ahensya na si Romande Artes.

Sa ngayon ay wala pang itinatalaga ang Malacañang kung sino ang papalit kay Abalos bilang MMDA Chairman.

Follow SMNI on Twitter