MALAPIT na ang pagbubukas ng klase, kaya naman aktibo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pakikiisa sa taunang Brigada Eskwela 2025 ng Department of Education (DepEd).
Bilang bahagi ng kanilang suporta, nagsagawa ang MMDA ng malawakang paglilinis sa paligid ng ilang mga paaralan sa Metro Manila para masiguro ang kaayusan at kalinisan ng kapaligiran para sa mga mag-aaral.
Pinangunahan ng Metro Parkway Clearing Group ang paglilinis sa loob at labas ng mga paaralan. Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang pagwawalis, pagsasaayos ng mga kagamitan, at iba pang hakbang para maging mas maaliwalas at ligtas ang lugar para sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante sa Hunyo a-disi-sais, simula ng School Year 2025–2026.
Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng Brigada Eskwela 2025 na may temang “Brigada Eskwela: Sama-sama para sa Bayang Bumabasa.”
Samantala, hinihikayat ng DepEd ang pakikiisa ng buong komunidad sa paghahanda ng mga paaralan hindi lamang sa pisikal na aspeto, kundi maging sa intelektwal na pag-unlad ng mga mag-aaral, lalo na sa pagpapahusay ng kanilang kakayahang bumasa.
Sa pamamagitan ng mga hakbangin gaya ng paglilinis, pagkukumpuni, at iba pang serbisyong boluntaryo, muling pinatunayan ng MMDA ang kanilang aktibong papel, hindi lamang sa trapiko at kalamidad, kundi maging sa larangan ng edukasyon.
Nananawagan ang MMDA at DepEd sa publiko na makiisa at tumulong sa Brigada Eskwela, maliit man o malaki ang ambag, lahat ay mahalaga sa pagbubuo ng ligtas, maayos, at makabuluhang kapaligiran para sa kabataang Pilipino.
Opisyal na mag-uumpisa ang limang araw na Brigada Eskwela Program simula Hunyo a-nuwebe hanggang Hunyo a-trese, 2025.