MOU para sa pabahay ng OFWs, nilagdaan ng DMW at DHSUD

MOU para sa pabahay ng OFWs, nilagdaan ng DMW at DHSUD

NILAGDAAN nina Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan Ople at Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar ang isang memorandum of understanding (MOU).

Ito ay upang mabigyan ng katiyakan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na magkaroon ng sariling bahay sa abot-kayang halaga sa ilalim ng 4PH program.

Lumagda rin ang DMW sa isang kasunduan sa Pag-IBIG Fund na kinatawan ni Chief Executive Officer Marilene Acosta.

Ang naturang kasunduan ay ginawa araw ng Martes sa tanggapan ng DMW.

Sa ilalim ng kasunduan, ang partnership ay magbibigay-daan sa mga kwalipikadong OFW na maging benepisyaryo ng DHSUD-4PH na isang flagship housing program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa ilalim ng MOU, ang DHSUD ay magbibigay ng listahan ng mga nauugnay na programang pabahay at serbisyo para sa mga OFW at sa pamilya nito.

Dapat ding magtalaga ang DHSUD ng isang 4PH Project Management Office na kikilos bilang focal office para maisakatuparan ang MOU kasama ang DMW.

Sa bahagi naman ng DMW, tutukuyin at tutulungan ng ahensiya ang mga karapat-dapat na OFW na maaaring makakuha ng naaangkop na mga housing program at serbisyo ng DHSUD.

Dapat din nitong italaga ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO) bilang focal office nito upang makipag-ugnayan at ipatupad ang MOU sa DHSUD.

Isa sa mga requirements sa naturang programa ay dapat miyembro ang OFW ng Pag-IBIG Fund.

Sa ngayon nasa 1.6 milyon OFW ang active members ng Pag-IBIG Fund.

Paliwanag naman ni Secretary Acuzar, sa tulong ni Pangulong Marcos ay naglagay ng interest subsidy para sa abot-kayang halaga ng pabahay.

Sa Pabahay program, doble ang mura ng halaga ng bawat unit kumpara sa private developer.

Samantala, aminado naman ang DMW na ang partnership na ito kasama ng DHSUD ay ang kauna-unahang pagkakataon para tiyakin na matupad ang matagal na pangarap ng mga OFW na magkaroon ng sariling bahay.

Ayon din sa DMW, maaring mag-avail sa naturang housing program ang mga dating OFW basta magpakita lamang ng patunay ang mga ito na sila ay mga dating OFW.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter