Naga City, isasailalim sa MECQ

Naga City, isasailalim sa MECQ

ALINSUNOD sa ipinalabas na bagong community quarantine classification ng Inter-Agency Task Force screening and validation committee, isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang syudad ng Naga simula ika-16 ng Hunyo hanggang sa katapusan ng buwan.

Ang hakbang na ito ay ayon sa desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) national dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Matapos ang isinagawang Talk to the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa ipinalabas ng Inter-Agency Task Force Screening and Validation Committee, ang syudad ng Naga ay napabilang sa mga rehiyon na napasailalim sa MECQ simula sa ika-16 ng Hunyo na magtatagal hanggang sa katapusan ng buwan.

Kaugnay na rin ito sa pakiusap ng mga Bicol doctors sa IATF na magdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ngunit ibinaba ito sa MECQ.

Kabilang na rito ang mga doktor ng Albay Medical Society, Philippine Medical Association, Camarines Sur Medical Society at PCP Bicol Chapter sa nagpasa ng sulat sa IATF dahil sa nakaka alarmang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 dahilan upang ang mga ospital ay umabot na sa full capacity.

Matatandaang nagpahayag ang pamunuan ng Bicol Medical Center sa Naga na puno na ang ospital at hindi na tumatanggap ng mga pasyenteng may sakit na COVID-19, kung kaya’t hinihikayat na lamang ng mga doktor ang pagsasagawa ng home quarantine upang ma-decongest ang nasabing ospital.

Ang mga panuntunan ng mga bagong klasipikasyon ay ipinalabas na rin ng lokal na pamahalaan ng syudad ng Naga para sa kaalaman ng publiko.

Sa ngayon, umabot na sa 2,317 ang kabuuang kaso sa syudad, habang nasa 351 naman ang aktibong kaso 1,900 rito ang naka rekober na at pumalo na sa 66 ang mga nasawi.

(BASAHIN: COVID-19 psychosocial response team, inilagay sa Naga City)

SMNI NEWS