KASALUKUYANG nasa lebel ng pagsusuri at pagsasala ang National Amnesty Commission (NAC) doon sa mga nag-aplay ng programang amnestiya ng pamahalaan noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling tala ng NAC, nasa 1,950 lang ang nag-aplay para sa amnesty program na alok ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Leah Armamento, ang chairperson ng komisyon, matumal ang bilang na ito at malayo sa target nilang 10,000 aplikasyon.
“Kasi nga iyon nga ang problema hindi sila makalabas, so pumupunta po kami sa mga kulungan, kasi nandoon din ang mga ito eh, kasi ang amnesty can be granted to those who are detained, convicted, serving sentence or even those who have already served sentence,” saad ni Atty. Leah Armamento, Chairperson, National Amnesty Commission.
Mula sa 1,950 na natanggap na aplikasyon, mayroon daw’ng 49 na mabibigyan na ang amnestiya.
Ibinahagi ni Armamento na mayroon silang 19 na Local Amnesty Board. Ang pinaka-busy aniya rito ang Cotabato City dahil nandoon ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Mayroon din sa Metro Manila dahil may mga rebelde na ayaw mag-aplay doon sa probinsiya nila.
“Kasi ‘di ba like sa Cotabato City, mayroong nakaupo sa Local Amnesty Board kontra nila sa politika so ayaw nila doon—dito sila mag-a-apply sa Manila. Pumupunta sila sa office namin, so ang gagawin namin dito namin ia-accept pero ibabalik namin kung saan sila dahil nandoon ang data nila pero dito kami nag-uusap,” dagdag ni Armamento.
Dagdag ng NAC chair, ang pinakamaraming aplikante naman ay nasa lungsod ng Bacolod at Iloilo.
Inilahad ni Armamento na apat na grupo ang puwedeng mag-aplay para sa amnestiya: ang mga miyembro ng MILF, Moro National Liberation Front (MNLF), Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), at Rebolusyonaryong Partidong Manggagawa ng Pilipinas-Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade.
Kapag na-grant na ang amnestiya, ipinaliwanag ng NAC chief na burado na ang criminal record ng nag-aplay dito.
“Obliterated. Nawala na, erased na kasi ang amnesty, ang pinakaprinsipyo niya ay parang amnesia. So, nakalimutan na ng bayan na ikaw ay nagkasala; kinalimutan na iyon, so lahat ng records mo mawawala iyon,” aniya.