NAKATAKDANG maghain ng resolusyon si Senator Jinggoy Ejercito Estrada para magsagawa ng imbestigasyon ang Senado na layong makapaglatag ng agarang remedial legislation matapos ang pinakahuling krisis na nagpatigil ng operasyon ng pangunahing paliparan ng bansa sa mismong araw ng pagsisimula ng bagong taon.
“Ang insidenteng ito ay nagpapalala sa dati nang hindi kanais-nais na imahe ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Makailang beses na itong nabansagan na pinakamasama at pinaka-stressful na paliparan sa mundo. Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng pangangailangan ng remedial legislation at agarang aksyon mula sa mga kinauukulan upang masalba pa natin ang ating airport sa pagiging pambansang kahihiyan,” ani Estrada.
Ang problemang teknikal at pagkawala ng kuryente na nagparalisa sa operasyon ng NAIA ay lalong nagpatibay sa pangangailangan ng pag install ng mas makabago at sopistikadong mga teknolohiya, paglalagay ng mga epektibong backup mechanisms at pagkuha ng mahuhusay at maasahang mga eksperto at tauhan na magsisiguro ng walang patid na operasyon ng paliparan, giit pa ng beteranong mambabatas.
“Kailangan din nating maging maingat at handa laban sa mga cybersecurity attacks, sabotage, disasters at iba pang mga banta,” sabi pa ni Estrada.
Aniya, ang aberyang inabot ng 10 oras ay makapagdudulot ng malaking pagkalugi sa pambansang eokonomiya dahil makasisira ito sa pangkalahatang imahe ng bansa bilang isang tourism destination, commercial at sentro ng pamumuhunan.
Sa paggigiit ng remedial legislation sa pamamagitan ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado, sinabi ni Estrada na kailangan ng maayos at komprehensibong pagtukoy ng mga kinakailangang imprastraktura, maging ang suporta mula sa gobyerno o pribadong sektor upang gawing moderno ang NAIA sa lalong madaling panahon.
“Kung talagang gusto nating baguhin ito upang maging isa sa pinakamaayos sa mundo, kailangan nating tiyakin ang pinakamataas na kalidad ng serbisyo para sa lahat ng gumagamit nito. Panahon na para tingnan natin ang kasalukuyang kalagayan nito,” aniya.
Sinabi rin ni Estrada na ang pangyayari noong Enero 1 sa NAIA ay isang dagok sa recovery at pagpapasigla sa industriya ng turismo na kabilang sa pinakamalubhang sektor na naapektuhan sa kasagsagan ng pandemya dulot ng COVID-19.
“Ang pagkansela ng mga flight ay nakaabala sa tinatayang 56,000-65,000 na mga pasahero samantalang nasa 3,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang naapektuhan din at ang ilan sa kanila ay nanganganib na mawalan ng trabaho,” dagdag niya.