Napapabalitang Comelec hacking “fake news” ayon kay SP Sotto

Napapabalitang Comelec hacking “fake news” ayon kay SP Sotto

TINAWAG ni Senate President Tito Sotto na fake news ang napaulat na hacking sa systems ng Commission on Elections (COMELEC) kamakailan lang.

Matatandaan  na lumabas sa balita ng Manila Bulletin na umano’y nanakaw ng mga hacker ang 60 gigabyte na  mahahalagang impormasyong may kaugnayan sa halalan.

”Yung sa sinasabing may nagpadala sa Manila Bulletin …. masyadong teknikal yung pinagsasabi kaya kapanipaniwala pero ang totoo nun sa sinasabing na hack does not exist,” pahayag ni Sotto.

Sa eksklusibong panayam sa TP on SMNI inilahad ni Sotto na may tatlong grupong nagbabantay sa source code o mahahalagang datos ng COMELEC na may kinalaman sa halalan.

Kabilang dito ay ang grupo mula sa Partido Reporma, National Unity Party, at ang National Peoples Coalition na nilinaw sa kanya  na walang nangyaring hacking.

Dahil dito, hinamon naman ni Sotto ang mga umanoy hackers na ipakita ang ebidensya o patunayan na na hack talaga ang server ng COMELEC.

“Kung tunay na hacker sila hindi magpapakilala yun kasi mahuhuli sila. May cybercrime law kaya kalokohan yun. Di mangyayari yun,” ani Sotto.

Sa kabila nito ay tiniyak naman ni Sotto na suportado niya ang pagkakaroon ng pagdinig sa Senado hinggil sa nasabing issue.

Una nang kinumpirma ng opisina ni Senador Francis Tolentino na nagsumite na sila ng resolusyon para imbestigahan ang umanoy COMELEC hacking.

SMNI NEWS