NAGdeklara na ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.
Sa kabila nito, sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang nararanasang heat index kahit nga pumasok na ang rainy season.
Sinabi ni Dr. Marcelino Villafuerte, Deputy Administrator for Research and Development ng DOST-PAGASA, may mga lugar pa rin sa bansa na nakararanas ng mainit na panahon kahit pa idineklara na ang panahon ng tag-ulan.
Kaya naman, patuloy ring pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling ‘hydrated’ para maiwasan ang posibleng matinding epekto ng mainit na panahon.
Ipinaliwanag din ng PAGASA na papatapos pa lang ang El Niño phenomenon sa bansa.
Pero ani Villafuerte, pagsapit ng mga buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre, ay nasa 69 percent na ang tsansa na magsisimula na ang La Niña.
13 hanggang 18 na mga bagyo, inaasahang papasok sa bansa ngayong 2024
Samantala, sinabi naman ng DOST-PAGASA na nasa 13 hanggang 18 na mga bagyo ang posibleng pumasok sa bansa ngayong 2024.
Mas kakaunti pa rin ang bilang na ito sa karaniwang bilang ng mga bagyong pumapasok sa bansa kada taon na nasa 19 hanggang 20. Matatandaan na noong 2023, nasa 11 bagyo lang ang tumama sa bansa.
Mababa nga aniya ang bilang na ito dahil sa naranasan noong El Niño phenomenon.