PAIIMBESTIGAHAN ngayon ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang nasunog na M/V Lady Mary Joy 3 sa karagatang sakop ng Basilan.
Ang nasunog na barko ay kumitil sa buhay ng 31 pasahero at pagkasugat ng iba pa.
Saad ni Hataman, nais nitong malaman ang sanhi ng sunog at kung sino ang dapat managot sa insidente.
“Bakit hindi naagapan agad? Bakit kulang sa response ang mga kawani ng barko? Sea-worthy ba ang ferry? At bakit umabot sa lagpas tatlumpo ang namatay?” ani Hataman.
Higit sa lahat, nais malaman ng mambabatas kung paano maiiwasang ang kaparehas na insidente sa hinaharap.
Nais din nitong malaman kung akma pa ba ang maritime laws sa bansa o kailangan na itong higpitan o mismo sa implementation ng mga batas ang problema.
Nakatakda namang maghain ng House Resolution si Hataman sa lalong madaling panahon ang insidente.
“We hope to ascertain and clarify all of these once a congressional inquiry is undertaken. Ang mahalaga, malaman natin ang puno’t dulo ng trahedya at saan nagkamali o nagkulang,” ayon sa mambabatas.