Sinimulan na ng Senado ang deliberasyon para sa panukalang 2027 national budget.
Pero bago pa man pormal na maipresenta ni Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito ang bersiyon ng Senado sa plenaryo, naglabas na ng manipestasyon si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ipinaliwanag ni Cayetano na hindi niya pinirmahan ang committee report dahil kulang ang oras para suriing mabuti ang dokumento na inihain lamang nitong Nobyembre 20.
Umapela rin ang senador sa kaniyang mga kasamahan pagdating sa iskedyul ng deliberasyon sa budget.
Tinukoy niya ang dalawang problemang kailangang iwasan ng Senado: una, ang pagpasa ng budget na may mga kuwestiyonableng proyekto na posibleng pagmulan ng korapsiyon; at pangalawa, ang hindi pagpasa nito sa tamang oras na maaaring makaantala sa mga proyekto ng gobyerno.
“We do not want to be caught between the devil and the deep blue sea. Meaning, what is the devil? The devil is coming up with a budget that is inherently corrupt. I think of the budget as a tool, like a gun. It can be used for good or bad. But when we say inherently corrupt, ‘yong pinasok na ‘yong mga project na alam mong hindi maganda, ico-corrupt talaga,” wika ni Sen. Alan Peter Cayetano, Senate Minority Leader.
Paliwanag ng senador, kahit naipasa sa tamang panahon ang budget noong nakaraang taon, marami pa ring infrastructure projects ang inabot pa ng third quarter bago naisailalim sa bidding.
Isa rin umano ito sa mga dahilan kung bakit mabagal ang paggastos ng gobyerno.
Kinuwestiyon din ng minority leader ang napakaikling panahong ibinigay sa mga senador para basahin at suriin ang committee report ng 2027 national budget.
“The committee report was completed just Friday, and it was also filed Friday, there’s no way that we are able to read hundreds of pages or even if you say that those are attachments within that period. My signature is not on that committee report, not because I did not want to sign, but because it is physically impossible to come up with a good judgment,” dagdag ni Cayetano.
Bukod dito, pinuna rin ni Cayetano ang kawalan umano ng konsultasyon sa minority bloc sa pagtatakda ng iskedyul ng budget deliberations.
Aniya, dati ay nagpupulong muna bago magdesisyon sa iskedyul, pero nitong mga nakaraang linggo, anunsiyo na lamang ang natatanggap nila.
Binigyang-diin ni Cayetano na hindi kalaban ng administrasyon ang minority bloc, at handa silang makipagtulungan kung maipapaliwanag nang maayos ang mga panukalang gastusin ng gobyerno.
“We’re called opposition because we oppose certain policies. But if you can convince us, edi magkasama na tayo dun, even the majority, the majority is a coalition. You’re not all from the same party. You look differently at the different issues,” aniya.
Lacson, may nakita umanong red flag sa 2027 national budget; 30 multi-purpose buildings, hinihinalang ghost projects
Samantala, umalma naman si Sen. Ping Lacson sa mga natuklasang flood control projects na pinondohan nang doble o higit pa sa ilalim ng panukalang 2027 General Appropriations Bill (GAB), na nakitaan umano nila ng red flag.
Hindi bababa sa 30 multi-purpose buildings ang hinihinalang ghost projects.
Sa pagsusuri sa geographic coordinates ng mga proyektong pinondohan sa ilalim ng DPWH, natuklasang walang nakatayong istraktura sa mga nakatalagang lokasyon.
Pinuna rin ni Lacson ang malaking alokasyon sa bersiyon ng Senado para sa iba’t ibang programang tulong-pinansiyal na umaabot sa P241 bilyon.
Ani Lacson, maituturing itong “fragmented ayuda” o “papogi spending”—isang uri ng patronage spending na ginagamit lamang sa politika.
Kabilang sa mga binanggit niyang programa ang MAIFIP, TUPAD, AICS, at ang Tulong Dunong scholarship program.
