Marcoleta, Defensor at 2 iba pa, hindi pinayagang makapagpiyansa ng Sandiganbayan

Marcoleta, Defensor at 2 iba pa, hindi pinayagang makapagpiyansa ng Sandiganbayan

Lumabas na ang resolusyon ng Sandiganbayan Third Division sa bail request ni Sen. Rodante Marcoleta, Mike Defensor, Joseph Espiritu, at Aristotle Viral kaugnay ng kanilang kasong plunder.

Ang desisyon ng tatlong mahistado, huwag pagbigyang makapagpiyansa ang mga ito at sinabing malakas ang ebidensiya ng kanilang pagkakasala kaugnay ng P75M, na campaign donation na natanggap ni Marcoleta.

Ayon sa desisyon, na isinulat ni Associate Justice Ronald Moreno, hindi makakaila na tumanggap ng magkakahiwalay na donasyon ang senador mula kina Defensor, Espiritu, at Viray noong Enero 2025.

Sa programang “Sa Ganang Mamamayan” nabanggit ni Marcoleta ang pagtanggap niya ng donasyon mula sa kaniyang mga kaibigan noong siya ay kongresista na kinumpirma naman nila Espiritu at Viray sa kanilang isinumiteng kontra salaysay sa Office of the Ombudsman.

Ang donasyon na ‘yan, hindi idineklara ni Marcoleta sa kaniyang SOCE at SALN.

Lumalabas na hindi itinuring ni Marcoleta na donasyon kundi ‘personal funds’ ang natanggap na pera.

At ang pera hindi donasyon, kundi regalo.

Ayon sa korte, ang pagbayad ni Marcoleta ng donor’s tax ay nagpapahina sa kaniyang depensa na ang naturang donasyon ay para sa electoral contributions kasunod ng pagtakbo niya sa pagka-senador.

“The payment of donor’s taxes undermines his assertion that the donations were electoral contributions. Electoral contributions are exempt from donor’s tax,” pahayag ng Sandiganbayan Third Division.

Saad ng korte, ang electoral contributions ay exempted sa pagbubuwis kaya lumalabas na regalo ang tinanggap nito mula sa sa tatlo nang binayaran niya ang donor’s tax

“On this basis, the donations can only be regarded as gifts received
by Sen. Marcoleta from Defensor, Espiritu, and Viray by reason of his office,”
dagdag ng
Sandiganbayan Third Division.

Saad ng korte, natanggap ang regalo sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon, kung saan sa bawat isang pagkakataon ng pagtanggap nito ng regalo ay pasok sa probisyon ng kasong pandarambong.

“The gifts were received in a series. Sen. Marcoleta received three separate
donations from three donors on three separate occasions. Each receipt is a distinct act under the Plunder Law consummated upon receipt of the gift,”
ayon pa sa Sandiganbayan Third Division.

Makikita rin umano ang conspiracy sa kaso kung saan magkakaparehong na-execute sa Quezon City ang deeds of donation.

Pareho rin umano ang mga nakasaad sa deeds of donation maliban na lamang sa halaga ng donasyon at ang kanilang mga pangalan.

Na-notarized din umano ang deeds of donation sa magkaparehong araw noong Nobyembre 14, 2025 sa iisang notary public, pagkatapos ng 10 buwan ng execution nito.

Nakasaad rin na ang donor’s tax ay binayaran ng empleyado ni Marcoleta at hindi ng mga donor ng senador.

Binayaran ang mga donor’s tax matapos makatanggap si Marcolera ng show cause order mula sa COMELEC PFAD, kung saan pinagpapaliwanag siya kung bakit hindi niya idineklara ang naturang donasyon sa kaniyang SOCE.

Dito ay sinabi ni Marcoleta na ang pagbayad niya ng donor’s tax ay patunay na “in good faith” niyang tinanggap ang pera at ito ay regalo lamang sa kaniya.

Sa case information, sinasabing P30M ang tinanggap ng senador mula kay Defensor, P25M kay Espiritu at P20M kay Viray.

Ayon sa Sandiganbayan, lagpas pa sa threshold ng plunder ang P75M na tinanggap ni Marcoleta.

Sa kaso ni Viray, sinabi niyang si Marcoleta ang nanghingi ng donasyon at ayon sa korte ang pagkamit ng senador ng pera ay hindi makatarungan at nakakapinsala sa sambayanang Pilipino.

Sa pagsang-ayon umano niya sa hiling ng mga donor na huwag ibunyag ang kanilang pagkakakilanlan, mas pinahalagahan umano ni Marcoleta ang pribadong interes kaysa sa kapakanan ng publiko.

Ang Office of the Ombudsman, sinabi na ang desisyon ng korte ay nagpapatunay lamang na tama ang kanilang teorya sa kaso.

“The Office of the Ombudsman is pleased to know na mayroong substance ang kaso na ito, dahil ito po talaga ang novel na theory na sa tingin namin ay pasok sa wording ng law and now we are validated,” saad ni Asst. Ombudsman Mico Clavano.

Inaasahan naman na dahil denied ang bail petition, mananatili sa kulungan ang apat habang nililitis ang kaso.

Follow SMNI NEWS in Twitter