CA, kinumpirma si Mallillin bilang bagong COA chairperson

CA, kinumpirma si Mallillin bilang bagong COA chairperson

Kinumpirma ng Commission on Appointments (CA) si Douglas Michael Mallillin bilang bagong COA chairperson nitong Lunes, Nobyembre 23.

Papalitan ni Mallillin si dating COA Chairperson Gamaliel Cordoba, na nanumpa bilang associate justice ng Supreme Court noong nakaraang Nobyembre.

Magtatapos sa Pebrero 2, 2029 ang termino ni Mallillin, bilang pagkumpleto sa pitong taong termino ni Cordoba. Bago ang pagkakatalaga, nagsilbi si Mallillin bilang ad interim COA commissioner simula Pebrero 10, 2025.

Naging director IV din siya ng Office of the Chairperson ng ahensiya.

Sa pagdinig ng CA Committee on Constitutional Commissions and Offices (CCCO), tinutulan ni Sen. Imee Marcos ang pag-endorso sa nominasyon ni Mallillin dahil sa mga alegasyon niyang nagagamit umano ang malawak na auditing at investigative powers ng COA bilang panggigipit sa mga kalaban sa pulitika ng administrasyon.

Bilang tugon, tiniyak ni Mallillin na mananatiling independent ang COA at gagampanan nito ang mandato nang walang kinikilingan.

Matapos ang paliwanag, binawi ni Marcos ang kaniyang mosyon na ipagpaliban ang pag-endorso sa nominasyon, kaya’t inaprubahan ito sa committee level.

Bukod sa COA, si Mallillin ay naging prosecutor din ng Department of Justice (DOJ) at deputy commissioner ng National Telecommunications Commission (NTC).

Bagama’t dapat sanang magtapos sa 2032 ang kaniyang termino bilang commissioner, napaikli ito ng tatlong taon matapos siyang italaga bilang kapalit ni Cordoba.

 

15 senior officers ng AFP, aprubado na ng CA

Kinumpirma rin ng CA nitong Lunes ang pagkakatalaga sa 15 matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kabilang sa mga kinumpirmang opisyal sina Lieutenant Generals Benedict Dolor Balaba ng Philippine Army Intelligence Command (PAIC) at Moises L. Micor.

Kasama rin sa grupo si Vice Admiral Richard Gonzaga matapos aprubahan ng CA ang mosyon na alisin ang requirement sa publication ng kaniyang appointment.

Kinumpirma rin ang pagkakatalaga kina Major Generals Bob Apostol at Allan Jose Taguba, gayundin kay Rear Admiral Marco Buena.

Kabilang din sa mga ito ang walong brigadier general, kabilang si Brig. Gen. Leah Santiago, commandant of cadets ng Philippine Military Academy (PMA) at pinuno ng Tactics Group nito.

Si Santiago ay kabilang sa unang batch ng mga babaeng tinanggap sa PMA at kauna-unahang babaeng nagtapos sa akademya na naging heneral.

Isa pang commodore ng Philippine Navy din ang kabilang sa 15 opisyal na kinumpirma ng CA.

Follow SMNI NEWS in Twitter